Numero ng crime stats, ‘debatable’! — Torre

HINDI mabili kay PNP chief Gen. Nicolas Torre III ang crime statistics dahil “debatable” palagi ang pigura nito. ‘Ika nga madali lang madyikin ang numero. Kadalasan kasi ibinabando ng regional, provincial at city directors ng PNP na bumababa ang crime rate sa kanilang lugar na hindi naman kinakagat ng mga Pinoy dahil talamak ang balitang patayan, nakawan at iba pang kriminalidad.

Tinanong kasi ng media si Torre kung ano na ang prevailing crime statistics sa Pinas mula ng ipatupad n’ya ang 5-minute response. “Ayaw ko na i-mention ang (crime) stats, kasi nga debatable palagi ang numero eh,” ani Torre.

“Ang sa atin lang ay gusto natin maramdaman ng ating mga kababayan na nagiging safe ang kalsada kasi nakikita nila na mas maraming pulis at mas mabilis ang responde lalung-lalo na kapag tumawag sila ng 911 sa oras ng kanilang panga­ngailangan,” ang pahayag ni Torre. Mismooo!

Kaya sa mga RD, PD at CD, ‘wag n’yo nang ipagmalaki na bumaba ang crime rate sa inyong lugar dahil hindi naniniwala si Torre sa pigura n’yo. Paigtingin n’yo na lang ang police visibility at 5-minute response n’yo at kapani-paniwala pa. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

May punto naman si Torre dahil maging si President Bongbong Marcos ay todo suporta sa mga inilatag niyang programa upang pangalagaan ang kaligtasan ng mga Pinoy sa kalsada.

“It’s not enough that people are safe. They must feel safe. Even with good statistics, if people don’t feel the presence of the police, it’s not enough. Nic Torre is effective at that. Naramdaman mo kaagad,” ayon kay BBM sa isang TV interbyu.

Matapos maiupo sa trono ng PNP, inilunsad kaagad ni Torre ang programang “Cops on the Beat” kung saan pina­igting ang police patrol sa mga komunidad, at ibinalik ang imahe ng pulis na madaling lapitan, alerto at handang tumu­gon sa mga problema. Eh di wow!

“That’s the only way to regain trust—‘yong alam ng tao na kahit anong mangyari, may pulis na nandiyan. Isang tawag lang, tatakbo na agad,” ayon pa kay BBM. Dipugaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sa punto naman sa kampanya vs droga, ang taimtim na tagubilin ni BBM kay Torre ay mag-focus sa trabahong pag-intercept ng high-value drug shipments, dismantling major drug syndicates, at ‘wag tulutang maglaganap ang shabu at iba pang droga sa mga kalye ng Pinas.

“Hulihin ninyo ‘yong malalaki. Puntahan kung saan pumapasok. Bilangin nang husto, sirain agad, buhusan ng gasolina, sunugin na,” ‘yan ang utos ni BBM kay Torre. 

Siyempre, natuwa naman si Torre sa todo suporta ni BBM at nangako itong ideliber ang vision na ang Pinas ay talagang matahimik at ang PNP ay magiging responsive police service. 

“The President’s words serve both as a challenge and an inspiration. We in the PNP are committed to proving that safety is not only measured by data, but by how secure every Filipino feels in their daily life,” ani Torre .Sanamagan! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Ayon kay Torre, ang kanyang liderato ay mananatiling nakatuon sa goals ng gobyerno na “Bagong Pilipinas” na nakabase sa accountability, visibility at genuine public service. “We will continue to strengthen our presence in the streets, reinforce our operations against high-value individuals, and ensure that no community is left vulnerable to crime or fear,” aniya. Abangan!

Show comments