KAPAIN ang inyong leeg. May nakakapa ba kayong bukol sa harap ng inyong leeg? Pagkatapos ay tumingin sa salamin at pagmasdan ang inyong leeg. Mayroon ba kayong nakikitang nakabukol?
Sa lalaki, may tinatawag na Adam’s apple na nakaumbok. Normal po ito. Ngunit kung mayroon pa kayong ibang nakakapa o nakikita sa inyong leeg, dapat ito ikunsulta sa doktor. May mga bukol kasi na tumutubo sa thyroid gland.
Ang thyroid gland ay matatagpuan sa harap ng leeg at karaniwang hindi nakikita o nakakapa.
Ang bukol sa thyroid gland ay madalas natatagpuan sa mga kababaihan. Sa katunayan ay 12.5 percent ng kababaihan ay magkakasakit sa thyroid.
Kung kayo ay may bukol sa thyroid, ito ang mga pinagagawa ng doktor:
1. Ipa-check ang inyong Free T3, Free T4 at TSH. Malalaman natin kung ang thyroid ninyo ay: (a) hyperthyroid o sobra sa thyroid hormones; (b) hypothyroid o kulang sa thyroid hormones, at (c) normal lang ang thyroid. May mga gamot para sa hyperthyroid at hypothyroid.
2. Magpagawa ng thyroid scan o ultrasound. Makikita kung may bukol nga o wala. Masusukat din ang laki at hugis ng thyroid gland.
Ayon sa magaling at mabait na surgeon na si Dr. Anthony Ang ng Manila Doctors Hospital, kailangang bantayan ang lahat ng bukol sa thyroid. Kapag maliit pa ang bukol (mas maliit pa sa butones), puwede pa itong obserbahan kung lalaki pa. Magpagawa ng thyroid scan bawat taon para mabantayan ito.
Ngunit kung may nararamdaman na, tulad ng hirap lumunok, makabog ang puso, o may abnormal na resulta sa T3, T4 at TSH, dapat na itong gamutin.
Kadalasan ang mga bukol sa thyroid ay inooperahan. Wala kasi talagang gamot na pampaliit nito. Ang gastos sa operasyon ay mga P60,000 sa pribadong ospital at P5,000 hanggang P20,000 sa charity hospital ng gobyerno.
Ayon kay Dr. Ang, minsan ay cancer ang sanhi ng mga bukol. Maganda na matanggal ito nang maaga para hindi na kumalat pa.
Huwag munang mangamba. Magtanong sa iba’t ibang doktor para mahanap ninyo ang tamang gamutan para sa inyo.
* * *
Lagi ka bang pagod, subukan ang mga sumusunod:
1. Magkaroon ng sapat na tulog sa gabi kung maaari ay 7 hanggang 8 oras na tulog na hindi naiistorbo.
2. Sundin and schedule ng pagtulog. Regular na matulog at gumising sa parehong oras araw-araw
3. Bigyan ang sarili ng oras para mag-relax. Humingi ng tulong sa iba kung masyado nang marami ang trabaho o pagod na.
4. I-organize ang pang-araw-araw na schedule. Unahain ang mas importante gawin. Okay lang na hindi tapusin lahat.
5. Alamin ang mga bagay na nagdudulot sa iyo ng stress. Bawasan o iwasan ito.
6. Subukang mag-ehersisyo sa umaga. Ang ehersisyo ay nagbibigay ng lakas.
7. Paramihin ang sariwang hangin sa iyong bahay at trabaho. Ang sariwang hangin ay nagbibigay ng lakas.
8. Balansehin ang iyong kakainin. Isama rito ang pagkain nang maraming prutas, gulay, at whole grain. Kumain ng masustansyang almusal at huwag magpalipas ng gutom.
9. Kung sobrang sa timbang, magdiyeta nang dahan-dahan. Ngunit iwasan ang sobrang pagbawas sa pagkain dahil baka lalo ka manghina.
10. Uminom ng 8-10 basong tubig. Kung ang iyong ihi ay malinaw ang kulay, ibig sabihin ay sapat ang iniinom na tubig, ngunit kung sobrang dilaw kinakailangan mo uminom ng mas maraming tubig.
11. Tingnan ang mga gamot na iniinom. May mga gamot ang may side effect na nagdudulot ng fatigue.
12. Itigil ang paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nakapagpapataas ng lebel ng pagod.
13. Bawasan o itigil ang pag-inom ng alak at kape. Ang mga ito ay nakaaapekto sa maayos na pagtulog.
14.Kung ang pagod ay patuloy pa rin kahit may sapat na pahinga at ito ay nagtagal ng dalawang linggo o higit pa, maaaring may ibang sakit na kailangang gamutin. Kumunsulta sa doktor.