Paano nga ba ang buhay ng mga overseas Filipino worker sa karagatan? Sila iyong tinatawag na mga sea-based worker na nagtatrabaho sa iba’t ibang klase ng mga barko. Halimbawa ang malalaking pampasaherong barko na tinatawag na cruise ship na pangturista, pambakasyon, at naglalayag at namamasyal nang maraming araw, linggo o buwan sa karagatan patungo sa iba’t ibang bansa.
Tulad ng 28 anyos na Pilipinang si Chinky Mae Nava na anim na taon nang nagtatrabaho sa mga cruise ship ng the Royal Caribbean International batay sa paglalahad niya kay Nats Sisma Villaluna sa Filipino Expat Magazine.
Isa sa gustung-gusto ni Chinky sa pagtatrabaho sa barko ay nakakapasyal siya sa iba’t ibang bansa. “Ngayon nasa Italy ako, bukas sa Spain, sa sumunod na araw, nasa Netherlands ako. Gabi pa lang bago ang dayoff ko kinabukasan, nilalabhan at pinaplantsa ko ang mga damit ko para malaya akong makapasyal kinabukasan,” saad niya sa Ingles.
Dati ay restaurant attendant ang trabaho niya sa barko pero kinalaunan ay na-‘promote’ siya bilang waiter. Pangunahin niyang tungkulin ang tignan ang time at attendance ng restaurant team, maghanda at mag-monitor ng room service, isaayos ang kanyang station at pagasiwaan ang mga restaurant attendant.
Sa pagitan ng mga shift, pumupunta siya sa gym, gumagawa ng kanyang mga YouTube videos o kaya nagpapahinga. Sa mga araw na nasa karagatan ang barko, wala siyang dayoff. Meron lang rest hour o shifts off. Sa mga araw na nakatigil sila sa isang pantalan (port call), sarado ang restawran. Nakakaalis siya sa barko.
Hindi naman anya nakakabagot ang buhay sa cruise ship. “Merong 2,300 pasaherong lulan ang barko. Nagmamadali ang aming paligid at iba’t ibang klase ng mga tao ang nakakaharap namin. Mababait ang karamihan ng mga kliyente. Merong 800 crew member ang barko at 200 dito ay mga Pilipino. Dahil napapaligiran siyang kanyang mga kababayan, panatag ang kanyang kalooban. “Maalaga at mapanlikha ang mga Pilipino. Sa dining room, ilan nating kababayan ang humaharana sa mga guest na nagdiriwang ng anniversaries o birthday. Sa huling araw ng cruise, meron kaming farewell parties at kadalasan pinangungunahan ng mga Pinoy ang sayawan at kantahan.”
Pero sa kabila ng mga kasayahan at maabala niyang iskedyul, nakakaramdam pa rin siya ng homesickness lalo na kapag nag-iisa siya sa loob ng kanyang kuwarto.
“Walang makapag-ala-ga sa akin kapag masama ang pakiramdam ko bagaman meron akong pagkain at gamot. Busy kasi ang lahat. Tatlong araw akong nag-iisa. Missed ko ang pamilya ko,” pagbabahagi ni Chinky.
Mapalad naman si Chinky na nakapagtrabaho siya sa Royal Caribbean International, isa sa pangunahing kumpanya sa global cruise market. “Isa itong ligtas na kumpanya. Sinanay kami na ipagtanggol ang aming sarili laban sa ano mang anyo ng panganib, kabilang iyong sa racism o sexual harassment. At inaalagaan nila ang kanilang mga empleyado, sa pera man o moral.” Pinaglalaanan din sila ng slip-resistant shoes at hindi sila pinapayagang magdala ng mabibigat na tray kapag nagsisilbi sa mga kliyente. Nabatid na seaman noon ang yumao niyang ama at marami siyang tiyuhin na mga seaman din pero hindi nasagi sa isip niya na magtrabaho sa barko. Ayaw nga nilang nasa barko siya dahil sa hirap ng trabaho rito.
Nagtapos si Chinky ng tourism sa kolehiyo at ang gusto lang niya ay magtrabaho bilang front desk attache ng isang five-star hotel. Pagkagradweyt, ilang taon siyang nagtabaho sa food and beverage department ng isang hotel na hindi niya aka-laing magagamit niya sa magiging trabaho niya sa barko.
Isa niyang nakakatandang kapatid na babae na Cruise Ship Management graduate ang nakahimok sa kanya na magtrabaho sa cruise ship. Tinulungan siya nitong iproseso ang kanyang seaman’s book, sumailalim ng pagsasanay bago sila nagpadala ng CV sa Royal Carribean International at natanggap siya rito kinalaunan.
Sa unang araw niya sa barko, “Natatakot at excited ako. Dumating ako nang alas-8:00 ng umaga, nagpahinga saglit, ala-una ng hapon, sumama ako sa pre-departure safety orientation training at alas-4:00 ng hapon, naglayag na ang barko at nagsimula akong magtrabaho.” Inabot ng ilang linggo bago siya naging pamilyar sa mga pasikot-sikot ng barko at mapangibabawan ang seasickness.
Pero, kahit walang ginagastos si Chinky sa barko, nag-iipon pa rin siya. “Hindi naman ito habambuhay na trabaho. Dapat isipin natin ang ating kinabukasan. Kailangang matutunan nating pangasiwaan ang ating mga resources.
Sa tulong ng kanyang ina, nakabili si Chinky ng mga ari-arian sa Pilipinas gamit ang kanyang naipon. Pangmaikling panahon lang ang hangarin niyang makapagtrabaho sa barko. Binibigyan pa niya ang kanyang sarili ng ilang taon pa bago mamirmihan sa isang lugar at magtayo ng pamilya at maaaring magnegosyo na rin.
Sa kanyang paglalakbay, laging nasa isip niya ang mahalagang aral na natutunan niya sa pagdaan ng mga taon, ang maging mabait sa lahat ng tao. Para kay Chinky, nalilimutan ng mga tao ang mga mukha pero hindi ang kabutihan. “Tayo’y dumaran lang sa buhay ng isa’t isa, baka hindi na rin tayo muling magkita,” wika pa niya.
* * * * * * * * * * *
Email – rmb2012x@gmail.com