KUNG nais ni Pres. Bongbong Marcos na masawata ang pagkalat ng shabu sa bansa, atasan niya ang Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) na paigtingin pa ang paghahanap sa drug syndicates na pinatatakbo ng mga dayuhan. Halos lahat ng mga nasasabat na shabu ay galing sa ibang bansa partikular na sa China.
Noong isang araw, sinabi ng PDEA na ang mga nasagip na shabu sa Cagayan, Ilocos Norte, Panganisan at Bataan ay galing sa China. Pinagbasehan ng PDEA ang mga nakasulat na Chinese characters sa mga sako na palutang-lutang sa dagat.
Napag-alaman ko na bilyong piso ang halaga ng shabu na nasagip ng mga mangingisda. Ayon kay PDEA Director General Isagani R. Nerez wala nang kakayahan na makapagtayo ng shabu laboratory sa bansa ang mga sindikato dahil abot-kamay na nila ang mga ito sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kaya sa halip na magtayo ng shabu lab sa bansa, pinalulutang na lamang ang shabu sa karagatan at saka ipinasasagip sa mga kakutsaba nilang drug pushers.
Ayon pa sa PDEA, sa dagat ipinadadaan ang shabu dahil alam ng mga sindikato na kulang ang puwersa ng PNP, NBI at PDEA mismo para habulin sila sa karagatan.
Kaya ang pakiusap ng PDEA kay PBBM, gamitin na ang Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG). May radar umano ang mga barko para ma-monitor ang sea vessels na nagtatapon ng shabu sa karagatan.
Kung patuloy lamang daw na aasa sa mga mangingisda na nakasasagip ng shabu ay hindi iyon sapat. Maaring marami pa at malalaking bulto ng shabu ang pinaaanod sa dagat at nasasagip naman ng mga kakutsaba ng sindikato sa laot. Paano kung napakarami nang nakalusot na shabu? Tiyak na maraming kabataan ang masisira ang buhay kapag nakalusot ang shabu. Ano ang mangyayari sa ating bansa kung ganito ang mangyayari? Walang katapusang pagkalat ng shabu at kawawa ang bansa na maraming sugapa.
Nakapagtataka na hindi maubus-ubos ang shabu kahit marami na sa mga ito ang sinira kapagdaka. Hindi kaya may nakalulusot at nire-recycle? Posible ito. Hindi rin naman dapat maging papogi points lamang ang ginagawang pagpresenta ng mga nakukumpiskang shabu. Hindi dapat ang mga pagkukunwari sa paglaban sa bawal na droga.
Kaya nararapat lamang na pakilusin ni PBBM ang drug enforcers para ganap nang matuldukan na ang pamamayagpag ng drug syndicates. Matagal nang problema ang bawal na droga at marami nang sinirang buha. Nararapat lamang na lansagin na ang drug syndicates.
Para sa akin kapag may nakumpiskang shabu ang PDEA, sirain na agad ito. Huwag nang itago at baka “mapakialaman” at ma-recyle pa.