ISANG 42-anyos na lalaki sa Texas, U.S. ang nabigla nang madiskubre niyang kasal na pala siya sa kanyang ex-girlfriend, kahit pa matagal na silang naghiwalay at wala siyang anumang alam o pahintulot ukol dito.
Ayon sa ulat ng Beverly Hills Police Department, nagsimula ang lahat nang umuwi ang hindi pinangalanang biktima sa kanyang bahay at matagpuan ang isang gift basket na iniwan ng kanyang ex na si Kristin Marie Spearman, 36.
Laman nito ang mga regalo, larawan ni Spearman na may hawak na marriage certificate, at opisyal na kopya ng marriage license na ipinasa na sa county clerk’s office. May kasama pa itong mensahe: “Congrats, maybe call your wife.”
Kuwento ng biktima, nagkarelasyon sila ni Spearman at kumuha ng marriage license pero bago pa matuloy ang kasalan, nagkahiwalay sila matapos ang isang matinding alitan.
Pinutol niya ang anumang ugnayan at binago pa ang kanyang phone number para hindi na siya makontak ng dating nobya.
Lingid sa kanyang kaalaman, kinuha ni Spearman ang serbisyo ng isang lokal na pastor para sertipikahan ang kasal, kahit hindi siya dumalo o pumayag sa seremonya.
Pagkatapos nito, personal na inihain ni Spearman ang marriage certificate sa county clerk’s office, dahilan para maging legal ang kanilang kasal, kahit peke at wala siyang kaalam-alam.
Dahil dito, humingi ng tulong ang lalaki sa mga pulis noong June 13. Naaresto si Spearman at nahaharap ngayon sa kasong felony stalking, habang binigyan ng emergency protective order para maprotektahan ang biktima.
Pansamantalang nakalaya si Spearman matapos magpiyansa, at patuloy ang imbestigasyon kung may iba pang batas na nalabag.
Ayon kay Beverly Hills Police Chief Kory Martin, ngayon pa lang humawak ang kanilang departamento ng ganitong klase ng kaso kung saan isang kasal na nangyari nang hindi alam o sinang-ayunan ng isa sa mga partido.
Pinuproblema ngayon ng biktima kung paano aayusin ang papeles ng pekeng kasal, bukod pa sa pangamba para sa kanyang kaligtasan at privacy.