Naglabas ng pahayag si PNP chief Gen. Nicolas Torre III na ang mga mabibigat o matatabang pulis ay maaaring masibak mula sa trabaho. Batay umano sa Section 30, Paragraph I ng RA 6975, ang timbang ng isang pulis ay hindi dapat hihigit o kukulang ng limang kilo sa nararapat na timbang ayon sa kanyang edad, tangkad at kasarian. Kapag humigit sa limang kilo ang timbang, nangangahulugang mabigat na.
Medyo napangiti ako rito. ‘Di kaya malagas nang husto ang PNP kung talagang magiging mahigpit dito? Dagdag pa ni Torre, may isang taon ang lahat ng apektadong pulis na magbawas ng timbang. Natural, may mga nataranta sa pahayag na ito.
Paano kung malalaki ang buto, ika nga? Kasama na raw iyon sa konsiderasyon ng pagpapatupad ng nararapat na timbang. Mabuti na lang at mukhang malakas at malusog si Torre para sa kanyang edad. Parang may natatandaan akong dating hepe ng PNP na mabigat.
Totoo nga naman na dapat ang pulis ay malusog at malakas para magampanan nang husto ang kanyang tungkuling manilbihan at magbigay ng proteksyon sa mamamayan. Hindi puwedeng mas malusog ang mga kriminal, hindi ba?
Sa ibang bansa, mapapansin mo ang karamihan ng pulis ay malalaki ang katawan. Kapag nahuli ka ay wala ka talagang takas. Panahon na lang ang magsasabi kung talagang mapapatupad ito at kung magkakaroon ng pagbabago nga sa pangkalahatang timbang at kalusugan ng mga pulis.
Samantala, walong hepe sa National Capital Region ang inalis sa tungkulin dahil sa pagkabigong rumesponde sa emergency sa loob ng limang minuto. Talagang sineryoso ni Torre ang kanyang unang pahayag nang maging hepe ng PNP at nagbabala na marami pa ang maaaring maalis sa tungkulin kung hindi tutuparin ang nasabing utos.
Ang mga inalis ay mula sa Caloocan, Navotas, Valenzuela, Mandaluyong, Marikina, San Juan, Parañaque at Makati. Umiikot na nga siya sa Visayas para siguraduhing naiintindihan ng mga hepe na seryoso siya sa kanyang pahayag.
Kung ganun nga at seryoso si Torre, kailangan magsimula nang magpapayat ang mga apektadong pulis. Pero sa kabila ng paghihigpit niya sa kapulisan hinggil sa oras at timbang, sana hindi rin mawala ang pagsugpo ng katiwalian sa PNP at kriminalidad sa buong bansa.