NOONG Martes, nagtaas ng P1.80 per liter ang presyo ng gasoline at diesel samantalang P1.50 sa kerosene. Ito ang ikatlong sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng petroleum products. At ang masamang balita, magpapatuloy pa ang pagtaas ng petroleum products dahil sa giyera ng Israel at Iran. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pagpapaulan ng missiles at drones ng Iran sa Israel. Unang nagpaulan ng missiles ang Israel sa Iran noong Biyernes at tinarget ang nuclear at ballistic missile program ng Iran. Gumanti ang Iran at nagpakawala ng missiles sa Tel Aviv at Haifa na ikinamatay ng 18 Israeli at ikinasugat ng 100. Patuloy na nagpalitan ng missiles ang dalawang bansa.
Ang giyera ng dalawang bansa ang dahilan nang pagsirit ng presyo ng petroleum products na pinangangambahang tataas pa kung magpapatuloy ang labanan. Maraming overseas Pinoy workers sa Israel ang nagnanais nang umuwi sa bansa dahil sa takot na madamay sa kaguluhan. Pinag-aaralan na ng pamahalaan kung paano ililikas ang OFWs sa Israel.
Dati ang nangyayaring giyera sa Russia at Ukraine ang dahilan kaya sumisirit ang presyo ng petroleum products pero ngayon, giyera na ng Israel at Iran. Hindi biro ang nangyayari sa pagitan ng Israel at Iran na maraming maaapektuhan sakali at hindi mapigilan ang labanan. Ang Iran ay isa sa mga pinakamalaking nagpo-produce ng oil sa mundo at kung matitigil ang kanilang oil production, kakapusin sa supply at lalong tataas ang presyo ng petroleum products.
Kahapon, humirit ng P5 fare increase ang mga operator at drayber ng jeepney. Dahil umano sa sunud-sunod na pagtaas ng gasolina at diesel, wala na silang kinikita. Wala na umano silang maiuwi sa pamilya.
May nagpanukala na pagkalooban ng fuel subsidies ang PUV drivers dahil sa nangyayaring pagtaas ng petrolyo. Ginawa na ito noong 2023. Binigyan ng tig-P6,500 ang mga driver ng tradisyunal na jeepney, public utility buses, mini buses, taxi, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at Filcabs. Ang drivers ng delivery services ay tumanggap ng P1,200 at ang tricycle drivers ay P1,000.
Pero ang subsidy ay panandalian lamang. Pantapal lamang ito para maibsan ang nadaramang gutom. Kapag naubos ang subsidy, balik uli sa paghihikahos dahil patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Isa sa pinakamagandang magagawa ay suspendihin muna ang excise tax sa petroleum products para bumaba ang presyo. Nakasaad sa TRAIN Law na kapag ang presyo ng bawat bariles ng langis ay umabot sa $80, maari nang suspendihin ang tax sa petroleum products. Gawin ito para maibsan ang bigat na pinapasan ng mamamayan. Ibalik ang tax kapag nagnormal ang lahat.