^

PSN Opinyon

Malinaw kung sino

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

NAPAPADALAS ang pagiging arogante ng China sa South China Sea at mga katubigan sa paligid. Noong naka­raang Sabado, ang USS Chung-Hoon, barkong pandigma ng U.S. at HMCS Montreal, isang frigate ng Canada, ay naglalayag sa Taiwan Strait nang sadyang lumayag ang barkong pandigma ng China sa harap ng USS Chung-Hoon. May video na inilabas ng U.S. Navy na malinaw nagpapakita ng barko ng China na naglalayag sa harap ng destroyer. Napanatili ng destroyer ang landas nito at hindi pinansin ang mga babala sa radyo ng barkong pandigma ng China. Pinuna ng U.S. Navy ang Chinese vessel dahil sa tinatawag nitong “peligrosong pakikipag-ugnayan” sa Strait. Ang Taiwan Strait ay isang makitid na daluyan ng tubig sa pagitan ng mainland China at Taiwan at kadalasan ay lugar ng mataas na tensiyon sa tuwing naglalayag ang China. Sa pagkakaalam ko, ito ay pinamamahalaan pa rin ng kalayaan sa paglalayag.

 Hindi kataka-takang binaluktot ng militar ng China ang insidente at inakusahan ang U.S. ng “sinasadyang pagpukaw ng panganib” kahit malinaw na barkong pandigma nila ang dumaan sa harap ng U.S. destroyer. Nasa 150 yarda na lang daw ang layo ng barko ng China. Ang mga barko ay hindi humihinto tulad ng sasakyan sa kalsada kaya ang distansiyang iyan ay itinuturing na mapanganib. Noong nakaraang Mayo, isang Chinese fighter jet naman ang gumawa ng “unnecessarily aggressive” na kilos­ malapit sa isang eroplanong militar ng U.S. habang nasa international airspace. Siyempre, binaliktad ng China ang kuwento.

Malinaw kung sino ang nanduduro at nang-iinis sa dalawang insidente. Inaangkin ng China ang halos lahat­ ng South China Sea kabilang ang himpapawid nito, isang bagay­ na hindi kinikilala ng sinumang bansa. Hindi ko alam kung ano ang iniisip ng mga Chinese sa pamama­gitan ng pagsasagawa ng mga malinaw na nakakapukaw na gawaing ito. Sinusubukan ba nilang hilahin ang U.S. sa isang digmaan?

 Nandiyan din ang pananakot sa Taiwan. Sa loob ng mahigit isang taon, nagsagawa ang China ng mga ehersisyong militar sa paligid ng Taiwan. Malinaw na pananakot. Palaging pahayag ng China na ang Taiwan ay “taksil na lalawigan” at malapit nang maibalik sa mainland, sa pamamagitan ng puwersa kung kinakailangan. Ngunit ang Taiwan ay mahinang bansa. Mayroon itong mga sandata mula sa U.S. at ibang bansa. Palaging nagsasanay para sa pagsalakay ng China. Mayroon din itong malakas na kakampi. Kung sasalakayin ito ng China, obligado ang U.S. na tumulong sa kanila. Handa ba ang China sa ganyang sitwasyon?

 Maaaring maliitin nila ang Taiwan tulad ng pagmamaliit ng Russia at Vladimir Putin sa Ukraine at sa mga bansang tumutulong dito. Hindi inakala ni Putin na mahirap palang labanan ang Ukraine. Nagbabala na ang U.S. na “may masasaktan” kung magpapatuloy ang mga mapanukso at mapanganib na gawaing ito ng China. Wala sa interes ng China ang masangkot sa isang digmaan tulad ng nagaganap sa Ukraine. Wala rin sa mabuting interes ng buong mundo. Ito ang mahirap kapag ang tingin sa sarili ay sobra na ang kapangyaraihan. 

vuukle comment

SOUTH CHINA SEA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with