^

PSN Opinyon

Ang gulo  

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

ISANG kaso ito ng ejectment kung saan ang isyu ay kung sino ang unang may hawak sa lupa o ang tinatawag na “possession de facto”. Hindi pinag-uusapan kung sino ang may-ari. Ang tanong ay kung puwede kaya na hawakan din ng korte ang isyu ng pagmamay-ari ng lupa kung ang sangkot ay isang kaso ng ejectment. Sasagutin at ipapaliwanag ito sa kaso.

Ang lupang sangkot ay 109 square meters na sakop ng titulo at nasa isang mamahaling subdivision malapit sa tabing dagat. Ito ay nakarehistro sa pangalan nina Armando at Remedios na ang kasal ay pinawalang-bisa dahil may una siyang kasal sa ibang babae habang si Remedios ay nagtatrabaho noon sa U.S.

Nang bumalik si Remedios sa Pilipinas, nagulat siya nang malaman na may ibang nakatira sa lupa pero hindi niya kilala ang mga iyon. Nang magtanong, nalaman niya na pinapa­upa pala ang mga ito roon ng kanyang pamangkin na si Carlo. Agad niyang ipinaalam sa mga taong sangkot­ na siya ang may-ari sa lupa at hindi niya kailanman pina­yagan si Carlo na ipaupa ito sa iba.

Nang sitahin ni Remedios si Carlo, inamin nito na siya ang nangangasiwa sa ari-arian at pati sa pangongo­lekta sa renta para sa kanyang tiyahin na si Tina na kapatid naman ni Remedios. Nang ipaalam ni  Remedios sa kanila na kanya ang lupa, agad na binitawan ng magtiyahin ang pangangasiwa nito at ibinalik kay Remedios. Ipinagkatiwala ni Remedios kay Lisa ang pamamahala sa lupa pati pagpapaupa nito. Pinalitan din niya ang mga kandado sa gate ng ari-arian.

Tatlong linggo pagkabalik ni Remedios sa U.S., ipina­alam sa kanya ni Lisa na muling bumalik sina Carlo at Tina sa lupa pati sinira ang kandado ng gate gamit ang isang bolt cutter. Pinagbawalan din daw nila ang mga umuupa na bumalik doon. Inireklamo ni Lisa sa barangay ang da­lawa at tuma­wag din ng abogado para idemanda si Carlo at Tina pati mga pinauupa nila para muling maibalik kay Remedios ang posesyon ng lupa. Kahit anong pananakot, hindi natinag ang dalawa kaya napilitan na si Remedios na sampahan sila ng kasong ejectment.

Sa kanilang sagot, ikinatwiran nina Tina at Carlo na hindi naman daw si Lisa ang may-ari ng lupa at wala siyang kara­patan doon. Hindi naman daw siya ang may-ari ng lupa kundi si Armando. Samantala, si Remedios naman ay binanggit lang bilang asawa ni Armando. Dagdag pa nila, si Tina na raw ang bagong may-ari ng lupa.

Matapos ang paglilitis, naglabas ng desisyon ang METC pabor kay Remedios. Inutos ng hukuman kina Carlo at Tina na umalis sa lupa at magbayad ng P5,000 bilang danyos pati gastos sa abogado. Parehas ang naging hatol ng RTC. Dagdag pa ng RTC, si Remedios ang isa sa may-ari kaya may karapatan siya rito. Nakuha daw ang lupa nang panahon na kasal pa sila at kahit pa gumawa si Armando ng kasulatan na binebenta na niya ang lupa kay Tina ay parte lang na kahati niya ang puwedeng ibenta at hindi ang buong lupa.

Ayon naman sa Court of Appeals, hindi tama ang hatol dahil sa gulo kung sino talaga ang may-ari sa lupa. Binaliktad ng CA ang desisyon ng RTC at idineklara na maaaring magsampa muli ng kaso ang magkabilang panig para malinawan ang isyu tungkol sa kung sino ang tunay na may-ari ng lupa. Tama ba ang CA?

Mali, ayon sa Supreme Court. Kahit ang isa sa isyu na sangkot sa kasong ejectment ay ang tungkol sa pagmamay-ari ng lupa ay maaari pa rin itong hawakan ng mababang hukuman basta may kinalaman sa posesyon ng lupa at talagang hindi puwedeng ihiwalay sa isyu.  Sa kasong ito, ang isyu kung sino ang tunay na may-ari ng lupa ang sasagot sa isyu kung sino ang dapat na magkaroon ng posesyon nito.  Sa ilalim ng batas (Section 16, Rule 70 Rules of Court), ay pinapayagan na iresolba ng korte ang isyu ng pagmamay-ari basta may kinalaman sa isyu ng posesyon. Pero natatangi ito at hindi laging ginagamit na patakaran ng korte.

Sa kaso naman ng forcible entry, uubra ito basta matupad ang sumusunod na kondisyones: (a) una nilang hawak nila ang posesyon ng lupa,  (b) inalis sa kanila ang posesyon ng lupa gamit ang dahas, puwersa, pananakot, pandaraya o pagiging tuso, (c) ang reklamo ay isinampa sa loob ng isang taon mula agawin sa legal na may-ari o sa totoong may pisikal na posesyon ang lupa.

Sa kasong ito, si Remedios ang may posesyon sa lupa nang sapilitan na agawin sa kanya nina Carlo at Tina dahil sa ginawa nilang pagpasok doon gamit ang boltcutter. Pinatalsik nila ang mga nangungupahan doon at sinira ang kandado, pati naglagay ng anunsiyo na sila na ang nagpapaupa sa lupa. Kaya tama lang na nagsampa ng kasong forcible entry si Remedios sa kanila (Esperral vs. Esperral and Biaco, G.R. 229076, September 16, 2020)

vuukle comment

GULO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with