^

PSN Opinyon

Musika sa buhay ni Myles at ibang mga OFW sa Qatar

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Pakikinig ng musika ang isa sa mga karaniwang libangan ng mga overseas Filipino worker sa ibang bansa. Pampalipas ng oras sa panahong tapos na sa trabaho o sa kanilang day-off halimbawa. Maaaring sa cellphone o computer sila nakikinig ng mga kanta. Panlaban sa pangungulila at kalungkutan sa dayuhang lupain. Meron namang mga OFW na mahilig kumanta at mag-videoke kasama ng mga kapwa nila Pilipino o kahit mga kaibigan o katrabaho nila na magkakaiba ang mga lahi. At may mga OFW din na hindi lang basta kinahihiligan ang kumanta, tumugtog ng gitara, magpiyano o mag-organ, magtambol, o magbutinting ng iba pang mga musical instrument. Ginagawa rin nila itong tila sideline. Kumakanta at tumutugtog sila sa mga pampubliko o pribadong okasyon o sa mga restawran,  restobar, pubhouse o bar sa kinaroroonan nilang bansa.

Sa bansang Qatar, naglilipana rin ang mga bandang Pilipino na nagbibigay-aliw hindi lang sa kanilang mga kababayan doon kundi pati ang ibang mga lahi doon tulad ng mga Arabo. Mga bandang binubuo ng mga Pinoy na nabibilang sa magkakaibang propesyon. May mga pagkakataong napapasama sila sa konsiyerto sa Qatar ng mga dumadayo ritong mga singer o banda mula sa Pilipinas.

Isa rito ang Pink Pepper na isang bagong bandang binubuo ng mga babaeng musikera na pawang mga OFW. Kabilang sa banda sina Mylene “Myles” Inalisan, band leader, sa drums, nagmula sa Las Piñas; Kaila Taduran, taga-Quezon City, sa vocals at guitar; Debielee “Debbie” Montano ng Nueva Ecija, sa Keyboard; Kristianne Dalugtog sa guitar; at Jennifer “Boom” Collen Velarde ng Quezon City, main vocals.

Nabatid sa isang lathalain ng isa ring OFW at dating writer sa Pilipino Star Ngayon-Qatar edition na si Darlene Modelo-Regis sa Qatar Tribune na naunang nabuo ang Pink Pepper noong 2021 pero muli itong nagsama nitong 2023. Itinatag ito ni Myles Inalisan na siyang nagbinyag sa banda ng pangalang Pink Pepper para idiin na isa itong banda na pawang mga babae ang miyembro. Siyempre pa, ang Pink ay simbolo ng kanilang kasarian habang ang “Pepper” ay nagpapahiwatig ng rekadong pampasarap  o pampaanghang. Kadalasan kasing ang mga bandang Pinoy sa Qatar ay binubuo ng mga lalake o magkakahalong lalake at babae kaya naitatag ang Pink Pepper. Nais nilang makilala ang kanilang banda bilang grupo ng mga OFW na puno ng inspirasyon at determinasyon.

Wala namang  matatawag na opisyal na musical o educational background sa musika si Myles. Kamakailan lang siya natuto at nasanay sa drums sa edad na 39 anyos. Nagtapos siya ng BSBA Major in Management bilang isklor sa isang kolehiyo sa Las Piñas at nagtatrabaho siya sa kasalukuyan bilang  Acting Brand Manager ng isang International Food Chain sa Qatar.

Gayunman, noong nag-aaral siya sa elementarya sa Pilipinas, naging lyricist si Myles sa Sto Niño Drum and Lyre Band sa kanilang eskuwelahan.

Naikuwento ni Myles sa isang panayam sa pamamagitan ng messenger na “Dati akong lyricist sa school nung elementary days ko. Pero habang lumalaki, wala naman akong instrument na natutukan talagang pag-aralan. Minsan bumili ako ng gitara, hindi ko naman napag-aralan. Ganun din ang keyboard. Dito lang sa Qatar at habang libangan din pag walang ginagawa at may nagtuturo naman na boyfriend ko din na isang drummer. Kaya natuto ako. Medyo late bloomer na din sa banda pero nagtiyaga akong matuto din kaya nabuo ko ang Pink Pepper Band na lahat kami ay Pilipina.”

Nagkakilala sila ng kanyang mga kasamahan sa banda sa pamamagitan ng Facebook. “Nag-‘post’ ako noon sa FB. Meron kase mga group ng mga musicians dito sa Qatar. Tapos nagtanong ako kung sino ang gustong maging member. Marami din ang sumagot kase na excite sila na first Filipina band ito. Ayun, dun na nagsimula. Mahirap talaga, kase, iba -ba ang schedule. Pero at least kahit isang beses o dalawa sa isang buwan. Wala namang problema.”

Nagagawa naman nilang magkita-kita para sa rehearsal at magtanghal sa iba’t-ibang event kahit magkakaiba ang linya ng kanilang trabaho at libreng oras. Si Myles nga ay acting brand manager sa isang international food chain, si Kaila ay isang account assistant, nursing aid si Debbie, medical technologist si Kristianne, habang si Jennifer ay Document Controller/Secretary/Admin.

Nasabi ni Myles na 13 taon na siyang nananatili sa Qatar mula nang umalis siya sa Pilipinas. Breadwinner siya sa pamilya. At malayo sa musika ang kanyang trabaho doon.

“Una kong work dito sa Qatar ay host. Actually, manager na ako sa Pilipinas sa isang Japanese Resto (noon) pero pagdating ko dito ginawa akong host kase mas pinili maging bisor ang mga kasama kong lalake. Pero tinanggap ko pa rin. Wala naman problema sa position basta ganun pa rin naman sahod. Then nagkaron ng opportunity na nag-open sila ng isang chicken international brand then isa ako sa nakapasa bilang bisor. Then sunud-sunod na. Hanggang maging Manager at Training Manager ng buong brand,” paglalahad ni Myles.

Naging una niyang pagsubok sa mga unang taon niya sa Qatar ang homesickness. “Then yung nabanggit ko na naiba ung trabaho ko based dun sa contract. Pero nagtyaga pa rin. Inisip ko nalang na magsipag at baka magkaron ng opportunity para sa akin at di naman ako pinabayaan ni Lord. Sa mga unang taon naman, mararamdaman mo talaga ung homesick. Kailangan paglabanan yun. Sa trabaho, nung mga una, meron mga discrimination. Tapos babae pa. Lalo na kung mga higher position ang pag uusapan. Pero kase pag nakikita naman dito ng mga ibang lahi na masipag ka at mapagkakatiwalaan, makukuha mo din ang loob nila. Kailangan lang sumunod sa mga protocol nila, syempre ng Qatar, kase Muslim country pa rin ito at may mga pinagbabawal din.”

Marami rin siyang natutunan sa pananatili niya sa Qatar. “Kailangan unang-una marunong kang makisama at mag-adjust. Mix nationality ang makakasama mo at, tiyak, iba-iba ang culture. Maging masipag lalo na at mag-isa. Kailangan kumayod (para) sa pamilya. Kapag nalulungkot, meron naman dito ding mga organizations na pwede mga mag-join para sa mga OFW,” pagbabahagi ni Myles na nagsabi pa na para sa kanyang pamilya kaya siya nang ibang-bansa lalo na at hindi sapat ang kanyang sahod noong nasa Pilipinas pa siya.

* * * * * * * * * *

Email – [email protected]

 

________________

vuukle comment

OFW

PINOY OVERSEAS FILIPINO WORKERS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with