EDITORYAL - Maging role model sa taxpayers

NAKAKATUWA naman si incoming Bureau of In­ternal­ Revenue (BIR) commissioner Lilia Guillermo na nagpapakita na ng sigasig sa kan­yang­­­ kahahara­ping trabaho. Hindi nagkamali si pre­sident-elect Ferdinand Marcos Jr. sa pagpili kay Guillermo para pamunuan ang BIR. Taglay ni Guillermo ang katangian ng isang pinuno na mag-aangat sa kalagayan ng bansa ukol sa pananalapi. Magiging mahusay siya sa pagpapatakbo ng tanggapan na may kinalaman sa pagkolekta ng buwis. Kung mahusay at may angking talino ang mamumuno sa BIR, nakatitiyak na makakaipon nang maraming pondo ang bansa. Maraming maiimbak sa kaban ng bayan.

Una nang sinabi ni Marcos—bago pa man niya hinirang si Guillermo, na nararapat na mabantayan at matutukan ang mga ahensiya ng pamahalaan na kumukulekta ng buwis. Binanggit niya ang BIR at ang Bureau of Customs. Dito nanggagaling ang pera na ginagamit ng bansa kaya nararapat na pa­nga­lagaan.

Malawak ang karanasan ni Guillermo. Naging­ opisyal na siya ng BIR noon. Nagtrabaho sa Department of Budget and Management at ang pinakahuli ay sa Banko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ang kahusayan ni Guillermo sa pagkolekta ng buwis ay pinatotohanan ni incoming Finance Sec. Bejamin Diokno.

Isa sa mga ipinangako ni Guillermo kapag nakaupo na sa BIR ay ang makolekta ang estate tax ng mga Marcoses. Sa pinakahuling pagtaya sa estates ng Marcoses, lumalabas na umabot na ito sa P203 bilyon. Sabi ni Guillermo, pag-aaralan­ niya kung tama ang kokolektahing tax. Hindi umano siya sigurado kung tama ang amount. Bigyan daw siya ng panahon ukol dito.

Ayon pa kay Guillermo, kukumbinsihin niya si Marcos Jr. na i-settle ang arrears at maging halimbawa sa taxpayers. Personal umano niyang kaka­usapin si Marcos ukol sa isyu.

Maganda ang tinatahak ng bansa kapag ma­ayos ang koleksiyon ng tax. Magpokus din si Guillermo sa iba pang tax evaders upang mapa­rami ang koleksiyon. Kailangan ng bansa ang pondo para makabangon sa pagkalugmok.

Show comments