Isang lingo na lang

BABABA na sa Hunyo 30 si President Duterte at manunungkulan na bilang presidente si Ferdinand Marcos Jr. Nakapagtalaga na si Marcos ng mga miyembro ng kanyang gabi­nete bagama’t may mga posisyon na hindi pa niya nalalagyan tulad ng mamumuno sa Bureau of Customs (BOC), ang ahensiyang kilala sa korapsyon. Wala pang namuno ng BOC na hindi nadawit o naakusa ng korapsyon kaya dapat piliin ni Marcos ang tamang tao para sa posisyon na iyan.

Kontrobersiyal naman ngayon ang pagtalaga ni Marcos sa sarili niya bilang secretary ng Departmen of Agriculture (DA). Dahilan niya ay masyadong malaki ang problema ng DA kaya siya mismo ang hahawak. Umalma ang mga grupo ng magsasaka sa pahayag na ito dahil wala umano siyang karanasan sa agrikultura, bukod pa sa ibang mga dahilan. Parang lumalabas nga na nakikita ni Marcos ang sarili niya bilang eksperto sa agrikultura. Wala naman magagawa ang taumbayan sa pahayag na ito.

Malaki talaga ang problema sa agrikultura. Talong-talo sila sa pumapasok na produktong agrikultura mula sa ibang bansa. Hindi nila matapatan ang presyo ng mga imported na gulay, karne, isda. Isa sa kanilang reklamo ay ang mataas na presyo ng abono at pakain sa bansa. Kung paano ito matutukoy ni Marcos ay kailangan na lang natin hintayin. Natural may mga natuwa sa pahayag na ito mula sa kanyang mga tagasuporta. Tandaan may pangako siyang P20/kilo ng bigas, hindi ba?

Isang isyu rin ay ang hindi bayad na buwis ni Marcos na isa sa mga isyung ibinato sa kanya noong panahon ng kampanya­. May itinalaga na siyang commissioner ng BIR, si Lilia Guil­lermo. Ayon sa kanya, susunod daw sila sa de­sisyon ng korte hinggil sa hindi bayad na estate tax ng pamilyang Marcos at sisingilin daw ito. Dapat itaga sa bato at tingnan kung talagang masusunod ito. Hindi ito nagawa ng BIR ng mga nakaraang administrasyon kahit matagal na lumabas ang desisyon kaya malaking hamon ito sa papasok na BIR commissioner. Masingil kaya niya si Marcos?

Bahagyang tumataas din ang bilang ng mga kaso ng COVID kaya baka sumalubong rin ito sa papasok na admi­nistrasyon. Wala pa rin napili si Marcos na mamuno sa DOH at palitan ang kontrobersyal na Francisco Duque. Kung si Usec. Vergeire ang papalit mukhang magandang desisyon iyon. Huwag lang sanang matulad kay Duque. Wala pa rin sa DFA, isang maselan na posisyon din gawa ng mga isyu at problema sa “kaibigang” China. Ngayon pa at tila nagpapakita na ng lakas sa Taiwan at tila may babala pa sa U.S. Paano na ang posisyon ng bansa kung lusubin na nga ng China ang Taiwan at tumulong ang US? Naka­babahala ang mundo ngayon, dahil lang sa Russia at ang Putin na iyan. Walang pakialam kung marami ang napa­patay at naghihirap, maging sa Ukraine o sa buong mundo, maipakita lamang ang lakas nila.

Show comments