‘Balat sibuyas’

Balita ko, nabuwisit daw si Philippine National Police OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr. Buwisit na buwisit kaya minura raw ang mga taga-media kamakailan. Tila nagmamaktol sa nangyari na para bang tinabla siya ng media. Ang pinag-uusapan dito ay ‘yung kontrobersiyal na driver ng SUV na umararo sa isang sekyu sa Mandaluyong.

Nagsuplado’t ayaw na raw magpa-interview sa media dahil kumalat ang mga litrato sa nakaraang presscon. Kasama roon ang litrato ng ina ng suspek na nagmano sa heneral. Kaya ang siste, nabigyan daw ng maling interpretasyon ng dahil sa media kaya bina-bash siya ngayon ng publiko lalo na sa social media.

Eto lang ang masasabi ko Gen. Danao, nakatrabaho ka namin noon sa BITAG at wala kaming naging problema sa’yo.  Ako’y talagang sumasaludo sa mga magagaling na miyembro ng PNP. Pero Sir, with due respect, trabaho lang ‘to.

Kasama ho ‘yan sa teritoryo na kapagka hindi naging­ maganda ang rehistro sa publiko ng iyong naging ak­si­yon, asahang hindi rin magiging maganda ang pananaw ng mga taong nakatingin sa iyo. Sir,  it’s not about you, it’s what you do. Sometimes, it’s your decision process and your action. in totality. Diyan ka talaga mapupuna at minsan­, magkakaroon ng problema. Kaya sa mga alagad ng batas, importanteng malaman ang kahalagahan ng “hot pursuit operations.”

Ang principle ng hot pursuit ay napakahalaga habang isinasagawa o naisagawa na ang krimeng nakita­ o na-witness ninuman. Sa loob ng 24 hanggang 48 oras kailangang kumilos agad ang mga otoridad para makuha ang salarin kahit walang warrant of arrest. Sa terminolohiya ng mga alagad ng batas, warrantless arrest.

Maaring ang pagpangit ng imahe ng PNP dahil sa espesipikong kaso na ito ang ikinagalit ni Gen Danao. Kaya sabi niya hindi na raw siya magsasalita. Kumbaga,  “no talkies.” See no evil, hear no evil, speak no evil. Kaso, wala namang “evil” na pinag-uusapan dito eh. Kung meron man, alam na ng publiko ‘yun at ng biktima!

Show comments