EDITORYAL - Unahing tapyasin ang agri smugglers

Si president-elect Ferdinand Marcos Jr. ang mamumuno muna sa ngayon ng Department of Agriculture (DA). Tututukan umano niya ang nasa­bing tanggapan. Marami umanong problemang dapat lutasin sa DA at nararapat mareorganisa. Hangad ni Marcos na mapaunlad ang ani at makamit ang hinahangad na food security.

Isa sa mga problema na dapat iprayoridad ni Marcos ay matapyas ang mga nasa likod nang mala­wakang smuggling ng agricultural products sa bansa. “Malalaking tao” sa gobyerno ang sangkot sa smuggling kaya hindi matapus-tapos ang problema. Talamak na noon pa ang smuggling subalit walang nagkakalakas ng loob na imbestigahan. Takot masa­gasaan ang mga “malalaking tao”. At sa nangyaya­ring ito, mga maliliit na magsasaka ng gulay ang labis na apektado. Naghihingalo na ang lokal na magsasaka dahil sa ginagawa ng smugglers at protektor.

Noong nakaraang Abril, nagkaroon na nang imbes­tigasyon sa Senado sa nangyayaring smuggling ng agri products. Giniling ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA). Nabisto ng Senado ang pakikipagsabwatan ng mga taga-BOC at DA sa smugglers ng agri products. Sa nasabing pagdinig binanggit ni Senate President Tito Sotto sina Manuel Tan na nag-ooperate sa Subic, Cagayan de Oro, at Batangas; Andrew Chang na nag-ooperate sa Subic, Port of Manila, Batangas at Manila International Container Port; Jun Diamante na nag-i-smuggled ng isda at si Luz or Leah Cruz na tinaguriang “Sibuyas Queen”.

Ang pagdagsa ng mga smuggled agri products ang pumapatay sa mga lokal na magsasaka. Sabi ng mga nagtatanim ng carrots sa Benguet, mula nang dumagsa ang mga imported na gulay, wala na silang kinikita. Sabi ni Agot Balanoy, tagapagsalita ng League of Association sa La Trinidad Vegetable Trading Area, P2.5 milyon ang nawawala sa mga magsasaka ng gulay partikular ang carrots dahil sa pagdagsa ng imported. Ayon pa kay Balanoy, 130,000 magta­tanim ng carrots ang apektado ng smuggling ng gulay.

Hindi lamang gulay ang pinalulusot kundi pati bigas, karne, isda at marami pang iba. Talamak ang smuggling at hindi mapahinto dahil sa korapsiyon. Kumikita ang mga “buwaya” sa BOC at DA.

Pinangalanan na ng Senado ang ilang smugglers. Hanapin pa ang mga protector ng mga ito at tapyasin ni Marcos.

Show comments