Solusyon sa paulit-ulit na pagbaha

Tag-ulan na naman, at sa ganitong panahon kabilang sa mga hamon sa mga residente ang matinding pagbaha na banta rin sa kanilang kaligtasan.

Puspusan ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ngayong tag-ulan. Kabilang dito ang declogging ng water­ways at paglilinis ng mga estero lalo’t kapag humupa ang baha naiiwan ang tambak ng basura na kalimita’y single-use plastics.

Sa Waste Analysis and Characterization Study na isi­nagawa ng lungsod, lumabas na malaking bahagi ng naku­kuhang basura ay mga plastic bag. Ito’y dahil nakagawian­ na ang pagtapon ng mga plastic bag kung saan-saan kaya ang resulta, nagbabara ang mga estero. Kaya ipinatutupad natin ang Plastic Bag Reduction Ordinance na layong limi­tahan ang paggamit ng plastic bags at ang pagkolekta ng environmental fee para sa pag-recycle nito. Mahigit P316 million na ang nakuhang green fund ng lungsod na ilalaan din para sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan.

Upang mapakinabangan naman ang tone-toneladang campaign tarpaulins na madalas itinatambak sa mga dumpsite, ni-repurpose ito at ginawang tote bags sa tulong ng mga kababaihan ng QC Jail Female Dormitory sa pamamagitan ng “Vote to Tote” project.

Para sa pangmatagalang solusyon, binubuo ng pama­halaang lungsod ang komprehensibong QC Drainage Master Plan na magiging gabay sa pagsasagawa ng mga proyekto na iwas-baha.

Gusto nating matiyak na hindi na namemeligro ang mga pamilya sa ating lungsod tuwing may bagyo o kung malakas ang ulan. Ibabalik natin ang kanilang tiwala at ipatutupad nang maayos ang mga programa ng pamahalaan para sa kanilang kapakanan.

Simple lang ang aking hiling, isabuhay at magkaroon sana ng disiplina ang QCitizens sa wastong pagtapon ng basura. Maliit na bagay ito sa iba, pero malaki ang maitu­tulong. Bawat isa sa atin ay may tungkulin na dapat gampanan para sa malinis na kapaligiran upang matiyak ang kaligtasan nating lahat.

Show comments