Mga putakti nagla-lockdown, nag-iiwasan din kontra sakit
Mangha ang tao sa kaayusan ng “lipunan” ng mga langgam at anay. Mas nakakahiwaga ang bagong tuklas: hindi lang tao kundi pati putakti ay nagso-social distancing at nagla-lockdown kontra impeksiyon. At malamang ginagawa na ito ng insekto daan-milyong taon bago nagkatao sa mundo. Ang kusa at otomatikong reaksiyon ng putakti sa sakit ng parasites ay kaiinggitan ng mga awtoridad kontra COVID-19 pandemic ngayon. Inulat ng Economist magazine kamakailan ang saliksik ni Michelina Pusceddu ng University of Sassari, Italy.
Matindi ang inter-aksiyon at disiplina ng putakti. Nahahati sa mga seksiyon ang loob ng pulot-pukyutan. Imbakan ng pagkain sa gilid, at nurseries ng larvae sa gitna. Malinaw ang tungkulin ng indibiduwal: ang reyna ay taga-itlog, ang drones taga-fertilize, ang batang workers taga-alaga ng larvae, at matandang workers tagahanap ng pagkain sa labas.
Hindi lang bubuyog ang kalaban na kaya pugutan lahat ng nasa pulot-pukyutan. Matindi ring pumatay ang tungaw na “Varroa destructor”. Kumakapit ang parasite sa katawan ng putakti at sinisipsip ang sustansiya niya. Para kumalat, kumakapit muna ang Varroa sa mga naghahanap ng pagkain, hanggang madala sa kaloob-looban ng kolonya. Doon ito nanganganak at dumarami. Naiimpekta ang marami.
Bumuo si Pusceddu ng anim na pulot-pukyutan, tatlo impektado ng Varroa. Dalawang pagkilos ang nakita sa mga putakti. Una, kumekembot-sayaw sila para ipaalam kung saan banda nakahanap ng pagkain. Ikalawa, nililinis nila ang katawan ng isa’t isa.
Pero may kaibahan. Ang kembot-sayaw at linis-katawan ng kolonyang walang sakit ay ginagawa sa loob at labas ng pulot-pukyutan. Sa impektado, nililimita ang kembot-sayaw sa bukana, at paulit-ulit ang linis katawan sa loob. Naiiwasan nga ang pagkalat ng tungaw, pero bawas ang pagturo kung saan ang bagong pagkain. Kumokonti ang workers dahil sa sakit; matira ang matibay habang may quarantine.
- Latest