^

PSN Opinyon

OFW sa Italy kumikita ng P100k sa kanyang gulayan

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Walang background o pormal na edukasyon sa agrikultura ang 52-anyos na  overseas Filipino worker na si Lino Gutierrez Mandigma pero nagamit niya ang hilig niya sa pagsasaka para madagdagan ang kanyang kinikita habang nagtatrabaho siya bilang domestic helper  sa Italy.

May sukat na 200 square meter ang gulayan niya na kanyang itinayo sa loteng inuupahan niya mula sa isang may-ari nitong Italyano sa lunsod ng Parma sa Italy..

“Sapul sa aking pagkabata ay namulat ako sa pagtatanim  kaya kahit narito ako sa Italya ay dala-dala ko dito iyong hilig ko sa pagtatanim,” paliwanag ni  Mandigma sa isang panayam sa pamamagitan ng email.  ‘Hindi tayo nag-aral bilang agriculturist  pero iyan ang ating pangarap noong tayo ay bata pa, para sakin bilang magbubukid.... experience more than theory.”

Ayon kay Mandigma, ibinebenta niya ang kanyang mga tanim na gulay sa mga kababayan niyang naninirahan at nagtatrabaho sa Italy. Mag-isa lang anya siyang nagtatrabaho sa kanyang gulayan dahil isa lang itong libangan niya pagkatapos ng kanyang trabaho. “Iyon ang aking hilig, ang magtanim,” diin niya. Nabatid na umaabot sa P100,000 (kung sa pera ng Pilipinas) ang kinikita niya sa kanyang gulayan kapag summer dahil iyon ang harvest season.

Kabilang sa mga pananim niyang gulay ang ampalaya, kalabasa, upo, talong, kamatis, okra, sitaw, pipino, saluyot, alugbate, gabi, kangkong, petsay, lettuce, kamote, alunggay, sili, bawang, sibuyas at iba pa. Marami siyang ani kapag summer.

Nabatid na part time lang ang trabaho ni Mandigma bilang domestic helper sa Italy bagaman permanent na siya at unlimited ang permit to stay niya sa bansang ito. May 22 taon na siya sa Italy kasama ng kanyang asawa at mga anak. Dahil maluwag ang oras niya, nagkaroon siya ng panahon na maaasikaso ang kanyang gulayan.  Bukod sa pagiging domestic helper at pagtatanim ng mga gulay, sideline din niya ang pagiging barbero.  Nagbabahay-bahay siya para mag-alok ng kanyang serbisyo sa panggugupit. Bukod sa mga kapwa Pilipino, meron ding mga Italyano na nagpapagupit sa kanya.

Taong 1999 nang lisanin ni Mandigma ang Pilipinas para sundan ang kanyang asawa na naunang nagtungo sa Italy para magtrabaho roon bilang domestic helper.  Doon na rin isinilang ang kanilang bunsong anak. Napilitan siyang magtungo sa Italy dahil sa kanyang misis para magkasama sila roon,

Gayunman, hindi masasabing walang pinag-aralan si Mandigma  kahit pa isa siyang domestic helper, barbero  o maggugulay.  Noong narito pa siya sa Pilipinas, isa siyang titser.

“Taga- Mulanay,  Quezon ako at laging sa bundok ako naa-assign bilang elementary school  teacher 1. Nagtapos ako sa Enverga University sa Lucena city,” kuwento ni Mandigma na  halos tatlong taon nagturo sa iba’t-ibang eskuwelahan sa Mulanay. Lagi anyang substitute ang papel niya bilang guro nang panahong iyon. Bihira ang mga titser na lalake kaya lagi siyang ipinapadala sa bundok.

Ipinanganak si Mandigma sa Rosario,  Batangas pero sa Mulanay siya lumaki. “Sa totoo lang ay agriculture ang pangarap ko kaso noong nagtungo ako sa Lucena (Quezon)  para kumuha ng kursong agriculture ay wala nang kursong agriculture kaya education na lang ang napili ko dahil nong panahon nayon ay in demand ang teacher,” paliwanag niya.

Tulad ng naunang nabanggit, unlimited ang stay nina Mandigma sa Italy. Nabanggit niya na nag-aplay sila dati ng citizenship pero hindi sila naaprubahan dahil sa dami ng mga rekisitos na kailangan. Meron silang balak na umuwi sa Pilipinas pero hindi pa nila alam kung kailan dahil nag-aaral pa sa unibersidad ang kanilang mga anak.

Sa mga unang taon niya sa Italy, unang nakaharap niyang problema ang lengguwahe. Nang panahon kasing iyon ayu bihira ang marunong magsalita ng Ingles sa Italy. “Una kong naging amo ay ex-senator ng Italia kaya walang problema kung ano man ang iutos ay walang problema. Kaso bilang hardinero kapag winter ay konti lang ang trabaho ko kaya naghanap ako ng ibang trabaho...Madali lang naman makakita dito ng trabaho nang panahon na iyon kaso yong language talaga dito ang mahirap kaya after 2 yrs natin dito ay nakakaintindi  na tayo ng salita nila.

Naibahagi rin niya na meron pa siyang mga magulang sa Pilipinas na pinapadalhan niya ng pera at may pinag-aaral siyang mga pamangkin dito.

Pinatunayan din ni Mandigma ang kahalagahan ng pag-iipon lalo na sa mga OFW na tulad niya lalo na nang maganap ang pandemya ng Covid-19. “Matindi ang naging epekto satin ng pandemya dahil noong unang wave ay three  months tayo sa bahay, walang trabaho pero tuloy-tuloy lahat ang mga bayarin/bills. Buti na lang at meron tayong naitabi na pera dahil sa  tulad ng ganitong pangyayari ay mahirap ang walang naipon para sa mga bayarin.”

Sinabi pa ni Mandigma, “Ang lahat nating problema ay may nakalaan na solusyon...magtiwala at umasa lagi tayo sa ating Panginoon na anomang pagsubok ang dumating sa atin ay nariyan siya at laging handang gumabay.

(Mula sa awtor- Maraming salamat kay Marivic Aquino, isa ring Pinay sa Italy na naging tulay para makadaupang-palad ng kolum na ito si Lino Mandigma)

* * * * * * * * * * *

Email: [email protected]

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with