^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Serbisyuhan ang mga tao at huwag paghintayin

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Serbisyuhan ang mga tao at huwag paghintayin

Sa unang State of the Nation Address (SONA) ni President Duterte noong Hulyo 2016, mariin niyang­ sinabi na hindi dapat pinaghihintay ang mga taong nangangailangan ng serbisyo. Ang pro­cessing time gaya ng pag-iisyu ng permits at mga lisensiya ay hindi dapat pinatatagal. Dapat ang mini­­­mum na araw para makuha ang mga permit, clearances at lisen­siya ay tatlong araw lang o mas maikli pa. Hindi dapat pinaghihintay ang mga tao. Hindi sila dapat pinababalik-balik at pumipila nang mahaba.

Ang sinabing ito ng Presidente mag-aanim na taon na ang nakalilipas ay nakalimutan na ng mga tanggapan ng pamahalaan partikular na ang Social Security System (SSS). At tiyak na lalong malilimutan kapag nagtapos na ang termino nito sa Hunyo ng kasalukuyang taon. Tiyak na magpapabalik-balik na uli ang mga taong nangangailangan ng serbisyo. Mapapanghal sila sa paghihintay sa inaasam na bene­­pisyo na wala namang katiyakan kung kailan nila makakamtan sapagkat hindi sila iniintindi sa kanilang pangangailangan.

Noong nakaraang linggo, dumagsa ang mga mi­yembro ng SSS sa punong tanggapan nito sa East Ave­nue, Quezon City. Napakahaba ng pila at karamihan sa mga ito ay senior citizens na nag-aaplay para sa kanilang pension at ang iba ay nagrereklamo na hindi pa nila natatanggap ang kanilang buwanang pension. May nagrereklamo rin sa paggamit ng online na hindi umano sila maka-access.

Reklamo rin ng pensioners na nahihirapan silang kunin ang kanilang pera sa banko sapagkat hindi sila pinapapasok at kailangan daw ay fully vaccinated na sila. Kaya marami sa kanila ang nagtungo sa main office para doon kunin ang kanilang pension. Pero pagdating sa main office, dagsa na ang mga tao na ang parehong problema rin ang sadya – pagkuha ng buwanang pension. Ayon sa report, gabi pa ay may nakapila na sa bangketa para mauna sa pila. Mayroong doon na natulog para makasiguro na agad maseserbisyuhan sa kinabukasan. May naglatag na ng karton para higaan.

Ayon sa SSS, ginagawa naman nila ang lahat para maserbisyuhan ang mga miyembro. Katunayan, nag-extend sila ng oras para mapaglingkuran ang mga ito. Pati Sabado ay mayroon din silang trabaho.

Ang problemang ito ang nararapat harapin at tugunan ng bagong SSS president-CEO na si Michael Regino na itinalaga ni President Duterte noong Martes. Paglingkuran at huwag paghintayin ang mga miyembro lalo ang pensioners.

vuukle comment

SONA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with