Ano bang bawal?
Matagal nang isyu, lalo na sa lokal na halalan, ang postering at propaganda. Hindi ito gaanong napag-uusapan sa national positions dahil sa ibang epektibong paraan ng pangampanya, tulad ng radyo, telebisyon, pahayagan at ngayon, sa social media. Subalit sa lokal, kasama sa kampanya ang paramihan at pagandahan ng poster.
Ang bilang at laki ng mga posters ay nagiging tanda ng lakas ng kandidato, ng suporta ng taumbayan at ng galing nito sa kampanya na tinatayang taglay din niya sa paglingkod kung magwagi. At siyempre, habang dumarami ang espasyong natakpan ng poster mo, ganundin ang pagkaunti ng espasyo para sa kalaban. Sino ang mas maaalala? Iyong mas nakikita!
Lahat nang tumatakbo ay takot ma-teknikal sa paglabag sa regulasyon ng kampanya. Walang kandidato o campaign manager ang mangangahas na maglagay ng poster o tarpaulin na mas malaki sa takdang sukat at sa lugar na hindi dapat. Subalit pasaway din ang lahat – oras na mapansing nanlalamang ang mga kalaban sa kanilang postering, kesyo labis ang sukat o labas sa puwesto, tatapatan din ito ng bawal. Ang argumento lagi ay “ok lang ‘yan” – kung ma-disqualify tayo, eh di sila rin.
Subalit maging sa lokal ay hindi malaman kung papaano ang tamang turing sa poster at propaganda na gawa mismo ng isang botante at nakadisplay sa kanyang bahay. Hindi ito ‘yung mga opisyal na poster na papel o tarpaulin na mass produced. Ito ‘yung mga pinaghirapan at kakaiba, kesyo pininturang direkta sa pader o espesyal na disenyo sa sariling materyal. Nagsisilbi ito hindi lamang bilang propaganda ng kandidato kung hindi mismong ekspresyon o deklarasyon ng botante ng kanyang niloloob.
Ganitong mga poster ang protektado ng Supreme Court sa kanilang desisyon na binabalaan ang Comelec na huwag gagalawin. Subalit kapag ‘yung karaniwang official poster na sadyang nag-uudyok lang na iboto ang kandidato ang nakasabit, kahit pamamahay pa man ‘yan ay okey lang kahit pasukin ito at baklasin.
- Latest