Magpakatotoo

Nung wala pang Omicron, pati tayo ay nagbibilang ng minuto bago umabot sa herd immunity. Ang paniwala natin, ang bakunado ay hindi na mahahawa sa COVID-19. Dito sa column, inaantabayanan ang istatistika at batay sa bilis o bagal ng progreso, nagkokomentaryo sa tagumpay o kapalpakan ng performance ng gobyerno.

Nahimasmasan ang lahat nang mapatunayan na maging­ ang bakunado na ay tinatamaan pa rin. Tawag sa umpisa ay “breakthrough” infection dahil nalusutan ang kalasag ng bakuna. Sa malaunan ay wala rin palang breakthrough kung tawagin dahil hindi pala insulasyon ang bakuna. Ang pinangangatawanan na lang nito sa ngayon ay ang proteksyon laban sa malubhang sakit o sa kamatayan.

Kaya’t kahit bakunado na ang mahigit 50% ng kabuuhang populasyon; at kahit inabot na natin ang mahigit 70% ng ating target population, hindi na natin malaman ang gagawin sa sukatang ito.

Kailangan ding suriin kung ang mga inasahang ista­tistika mula umpisa ay nagbibigay ng tamang pag-unawa. Mahalaga ito upang maging maayos ang tugon ng pama­halaan. Maging ang DOH ay umamin na mas marami nang kaso sa ospital na ipinasok dahil sa ibang reklamo at nagkataon lang na may COVID-19. Ihambing ito sa mga isinugod dahil mismo may COVID-19 symptoms. Nga­yo’y mas kaunti na itong huli.

Tila tuloy may punto ang mga pasaway sa umpisa na hindi naman daw lahat ng biktima ay naospital dahil sa COVID-19. Maging ang mga namatay sa COVID-19 itong nakaraang dalawang taon ay hindi na natin masiguro kung sa COVID-19 nga ba o kung sa ibang dahilan.

Subalit hindi ito dapat maging hadlang sa patuloy na pagsulong ng kampanya sa pagbakuna. Maari rin na ang mataas nating bilang, lalo na sa Metro Manila ang siyang dahilan kung bakit hindi lumalala ang mga tinamaan. Kahit papaano ay susundan pa rin ang areglo ng gobyerno at ng mayorya ng mundo - na vaccination pa rin ang mag-aahon sa atin sa delubyo ng COVID-19. Magpakatutoo lang sana dahil ang kooperasyon ng publiko ay nakasalalay sa tiwala na tama ang ginagamit na pamantayan ng pamahalaan.

Show comments