Higpitan ang walang bakuna  

MAHIGPIT nang ipinatutupad  ang “no vax, no ride” sa mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila simula kahapon. Naisakatuparan ito matapos na magkasundo sina DOTr secretary Arhtur Tugade at Metro Manila Development Authority chairman Benhur Abalos sa pagsang-ayon na rin ng local government untis (LGUs). Ito ay upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Maging si Health secretary Francisco Duque ay kinumpirma na may local transmission na ng Omicron sa Metro Manila. Dahil sa pagdami ng kaso posibleng kapusin na ang health workers dahil sila man ay nagkakasakit narin at kinakailangang na i-isolate at i-quarantine.

Kamakailan ipinag-utos ni President Duterte kay DILG Sec. Eduardo Año na higpitan ang galaw ng mga hindi bakunado. Inatasan ni Año ang mga barangay official na alamin ang mga hindi pa bakunado at himuking magpabakuna na.. Ang ayaw magpabakuna ay higpitan sa pag­labas. May papayagang makalabas ng kanilang mga tahanan pero yung mga essential persons lamang gaya ng bibili ng pagkain at gamot o kaya’y mga may sakit na nangangailangan ng emergency treatment.

Obligado ang lahat na magdala ng vaccine card tuwing lalabas ng bahay. Sa pagsakay pa lang sa mga pampublikong transportasyon, hahanapin na ito at sa mga establisimento naman ay hindi rin papapasukin. Ang mga lalabas na walang bakuna ay pagmumultahin ng P5,000 hanggang P15,000 ng Inter-Agency Task Force.

Naging matagumpay ang pamumudmod ng relief­ goods ng Operation Damayan sa mga sinalanta ng Bagyong Odette sa Bgy. Maigondon, Lapu-lapu City. Nagpasalamat si Fr. George Alfonzo sa Philippine Star at Freeman Foundation. Ang Barangay Pajo, Sitio Kalamansi ng Lapu-lapu City ay kabilang din sa nabiyayaan ng Damayan. Sa Sitio Santa Crus,  Anislagan, Guadalupe at Bgy. Bolinawan sa Carcar, Cebu ay napangiti ang mga residente nang makatanggap ng relief goods. Ang mga Volunteers of Our Lady of the Rosary Parish ay tumulong sa pamamahagi ng relief goods sa Tungkop, Minglanilla, Cebu at Barangay Ibabao-Agus sa Lapu-lapu City. Tumulong tayo sa mga hinagupit ni Odette sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa Operation Damayan.   

Show comments