Editoryal - ‘No vax, no entry’

Simula Pebrero 16, lahat nang dayuhan na papasok sa bansa ay kinakailangang magpakita ng katibayan na sila ay bakunado laban sa COVID-19. Ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), bukod sa proof nang pagiging bakunado, nararapat ding magpresenta ng negative reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test na kinuha sa loob ng 48 oras mula nang umalis sa bansang pinagmulan. Lahat umano ng mga dayuhan na hindi makakapagsumite ng mga kailangang dokumento ay hindi papayagang makapasok sa bansa.

Ito ang nararapat at sana noon pa ginawa para napigilan ang pagkalat ng Omicron variant. Kung kailan dumami na ang Omicron, saka lamang naisip na hingian ng proof ng full vaccination ang mga dayuhan. Isang malaking pagkakamali na bago naitama ay marami nang tinamaan ng sakit. Ganunman, may malaking aral nang napulot dito.

Ngayon nagkukumahog ang pamahalaan para masawata ang pagkalat ng COVID o ng variant nito. Isa sa mga ipatutupad ay ang hindi papayagang makasakay sa mga pampublikong sasakyan ang mga hindi bakunado. Nagpalabas ng kautusan ang Department of Transportation (DOTr) na simula bukas (Enero 17) ay hindi na papayagang makasakay sa PUVs ang mga walang bakuna. Ang kautusan ay nag-ugat sa direktiba ni President Duterte noong nakaraang linggo na i-limit ang galaw ng mga hindi bakunado. Nararapat na sa bahay na lamang umano manatili ang mga hindi bakunado para hindi makapanghawa. Ang susuway ay pinaaaresto ng Presidente.

Maraming umalma sa direktiba na no vax, no ride. Isa raw itong diskriminasyon. Hindi raw ito makatarungan. Hindi raw ito nararapat. Noon pa nananawagan ang pamahalaan na magpabakuna na ang lahat para may proteksiyon. Marami nang suplay ng bakuna kaya wala nang problema. Sa kabila ng panawagan, marami pa rin ang ayaw magpabakuna. Hanggang dumami ang may COVID nang pumasok ang 2022. Kahapon, naitala ang 39,004 na arawang kaso. Pinakamataas na naitala mula nang manalasa ang COVID noong 2020. Kailangan nang gumawa nang epektibong paraan ang pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng sakit. Dapat nang higpitan ang mga hindi bakunado.

Show comments