^

PSN Opinyon

Malalim na epekto ng salita, imahe

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

Nilarawan ng ama sa binatilyo ang malalim na isinu­sugat ng mga maling salita at gawi. Sa tuwing magsabi nang masakit o umasal nang masama ang anak, nagma­martilyo ang ama ng pako sa pader na tabla. Kapag may mabuting sinalita o iginawi, binubunot ang isang pako. Makalipas ang ilang buwan napahiya at nakonsensiya ang anak sa dami ng pako sa tabla. Nagpasya ito na mag-ingat sa salita at gawa, at dinalasan ang pagpuri at pagtulong sa iba. Nu’ng makaisang taon, nagalak ang anak na iilang pako lang ang nakatusok sa tabla. “Magaling sana,” anang ama, “pero pansinin mo, ang daming butas na iniwan ng mga nabunot na pako.” Nabatid ng anak na miski bumawi siya ng kabutihan, may masakit na iniwan sa damdamin ng iba ang mga kasalbahihan niya.

Ganundin ang epekto ng mga imahe. Nabatid ng psychologists na, halimbawa, kapag paulit-ulit na nanonood ang tao ng karahasan miski sa TV news, namamanhid na ito sa kasamaang ‘yon. Kaya sa maraming bansa ipinagbawal na sa children’s television ang mga bayolenteng cartoons. Nu’ng unang mga oras makalipas ang teroris­tang atake sa New York City nu’ng Sept. 11, 2001, paulit-ulit itong pinalabas sa TV news sa America. Nakiusap ang mga eksperto na itigil ang pagpapalabas ng paglundag ng dose-dosenang tao sa kamatayan mula sa nagliliyab na Twin Towers skyscrapers. Agad huminto ang TV networks dahil “nagiging normal na sa isip” ang pangyayari.

Sa gan’ung dahilan isinusulong ng mga samahang kababaihan ang mga batas sa gender respect. Ipinaba­bawal nila ang panlalait at pagmamaliit sa kababaihan sa pelikula, broadcast at pahayagan. May mga ordi­nan­siyang nagpaparusa sa pagsipol o pambabastos sa babae sa publiko. Tinataguyod ang pagrespeto at pagtulong sa mga buntis at nagpapasusong ina. Iginigiit ang pagkakapareho­ ng babae at lalaki sa trabaho, edukasyon, oportunidad at benepisyo.

vuukle comment

NEW YORK CITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with