^

PSN Opinyon

Psychological Incapacity (Part 1)

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

BATA ng 10 taon si Andy kay Regina nang una silang mag­kakilala at pagkatapos lang ng isang taon, nagpa­kasal na sila. Apat na buwan matapos nilang maging mag-asawa ay nabuntis si Regina kaya lang namatay ang sanggol pagkaraan ng limang buwan mula nang ipanganak.

Walong buwan pagkaraan ng kanilang kasal, hindi na nakatiis si Andy at hiniwalayan na si Regina dahil sa kaka­iba nitong kinikilos. Sinubukan pa ni Andy na ayusin ang kanilang relasyon pero talagang hindi nagbago si Regina. Tuluyan na siyang iniwanan ng lalaki pagkatapos­ lang ng 11 buwan mula nang sila ay magpakasal.

Isang taon ang lumipas, nagsampa naman si Andy ng petisyon sa korte para mapawalambisa ang kanilang kasal ayon sa Art. 36 ng Family Code.

Sa paglilitis ng korte, tumestigo si Andy para patunayan ang paratang laban kay Regina. Lagi raw nagsisinungaling­ ang misis. Una ay itinago niya ang pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga at pinalabas pa na ampon lang ng pamilya nila ang bata.

Sunod ay nag-imbento ng istorya ang babae na sinubukan daw siyang gahasain at patayin ng bayaw na si Willy kahit hindi naman talaga ito nangyari.  Pangatlo ay ang pagpapanggap ng babae na isa siyang ob-gyne at sa mga kaibigan naman niya ay nagkunwaring nakapag-aral at nakapagtapos ng kursong psychology kahit hindi totoo.

Pang-apat, ipinipilit ng babae na isa siyang freelance singer na konektado sa isang sikat na recording company at katunayan daw ay isang luncheon concert ang gina­nap para sa misis kahit pa walang kahit sino sa pamilya ng babae na nakakita o nakarinig na kumanta siya. May imbitasyon pa na ipinakita si Regina pero ayon sa direktor ng hotel ay walang naganap na ganoon.

Panglima, ang pag-iimbento ng mga kaibigan na tulad nina Bambi at Sylvia na nagmula raw sa recording company at nagsasabing may katumbas na dalawang milyon ang misis dahil sa pag-awit.

Pang-anim, ang pagpapanggap na marami siyang pera at pagbili ng kung anu-anong gamit na walang kuwenta samantalang inuutang lang niya mula sa iba. At ikapito, ang madalas na pagseselos nito kay Andy at pagtawag sa mga katrabaho para lang matunton kung nasaan ang mister.

Para suportahan din ang kanyang petisyon, ginawang testigo ni Andy sina Dr. Santos na isang psychiatrist at si Dr. Reyes na isang clinical psychologist. Parehong tumestigo ang dalawa tungkol sa abnormal, mahiyain at konserbatibong pag-uugali ni Regina na laging gumagawa ng kasinungalingan kay Andy at siyang naging dahilan para kuwestiyunin ang di-umano’y pagmamahal, tiwala at respeto ng kanilang pagsasama. (Itutuloy)

vuukle comment

FAMILY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with