^

PSN Opinyon

Labanan sa lupa

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang kasong ito ay tungkol sa isang lupa ng gobyerno na inangkin ng mga pribadong indibidwal. Ang isyu ay 1) Sino sa kanila ang mas may karapatan na magparehistro sa lupa bilang may-ari at kung kaya ng ordinaryong hukuman na iresolba ang kanilang sigalot; at 2) Kung nagkaroon na ang isa sa kanila ng titulo ay puwede pa kayang maghabol ang tunay na may-ari o nawalan na siya ng karapatan dahil sa tagal ng panahon. Ito ang mga isyung sasagutin sa kaso ngayon ng magkapatid na Lino at Leni.

Sina Lino at Leni ang legal na anak ni Alex. Noong nabubuhay pa ay hawak ni Alex ang dalawang parselang lupa (Lote 9652 at Lote 6251) na may pinagsamang sukat na 172,000 metro kuwadrado.  Hindi nagtagal ay nilipat ni Alex ang lahat ng karapatan sa lupa sa anak na si Leni. Kaya pagkamatay ni Alex ay kay Leni at sa pamilya nito isinalin ng gobyerno ang free patent ng lupa base sa pinirmahang dokumento ni Alex. Kaya hindi nagtagal ay naglabas ang RTC ng tatlong titulo – OCT16750 at 17590 sa pangalan ni Leni, OCT 17591 sa pangalan ng anak niya na si Nina at OCT 17592 sa pangalan ng anak na si Jenny.

Pagkatapos lumabas ng mga titulo ay nagsampa ng protesta sa DENR si Lino. Ayon sa lalaki ay nalipat na sa kanya ng tatay niya ang posesyon sa nasabing mga lupa at mula pa noon ay hawak na niya ang mga ito. Sa kabilang banda, nagsampa naman si Leni at mga anak nitong babae ng kasong unlawful detainer laban kay Lino sa MCTC ng probinsiya kung saan naroon ang lupa.

Isang taon pagkaraang isampa ni Leni ang kaso ay binasura ito ng MCTC dahil sa nakabinbing protesta ni Lino sa DENR. Ang pagbasura ng kaso ay kinatigan ng RTC pero hindi pinagbawalan si Leni na magsampa ng panibagong kaso sa tamang korte.

Hindi nagtagal, binasura ng DENR ang protesta ni Lino nang malaman na nakapagsumite si Leni at pamil­ya nito ng lahat ng kailangan para sa public land grant. Pinanindigan ng DENR ang legalidad ng mga patent na ginawad kay Leni at sa mga anak nitong babae. Hindi na umapela si Lino sa pagbasura ng kanyang protesta.

Hindi nagtagal, nagsampa ng panibagong reklamo Si Leni at pamilya nito para mabawi ang posesyon ng lupa kay Lino. Humingi rin sila ng danyos. Sa kabilang banda, nagsampa rin si Lino ng panibagong kaso para sa pagbawi naman ng titulo at danyos. Ang dalawang kaso ay pinagsama at sabay na dininig sa RTC.

Tumestigo si Leni sa kaso para patunayan na nalipat na sa kanya ang lahat ng karapatan para sa posesyon sa lupa base sa ginawad na free patent at mga titulo. Sa kanilang banda, ang palusot naman ni Lino ay nilipat na sa kanya ng tatay na si Alex ang mga lupa at humingi lang siya ng tulong kay Leni para mapalipat sa kanyang pangalan ang ari-arian. Iyon nga lang daw at ginamit ni Leni ang kakulangan niya ng edukasyon para lokohin siya at tuloy malipat sa babae ang mga lupa. Salaysay din ni Lino ay peke ang mga dokumento ni Leni.

Sa pagsusumite ng ebidensiya, ilang beses na binigyan ng pagkakataon ng hukuman si Lino na magpasa ng mga dokumento para patunayan ang kanyang sinasabi pero wala siyang naipasa. Kaya ayon sa RTC, legal ang ginawang paggawad ng free patent kina Leni at sa pamilya nito dahil walang maipakitang pandaraya o pamemeke si Lino.

Pero iyon nga lang, hindi na raw makapaghahabol ang pamilya ni Leni sa karapatan sa posesyon ng lupa dahil sa matagal nilang hindi pagkilos noon. Marami na daw ginawa si Lino para sinupin ang lupa tuald ng pagtatayo ng bahay, pagtatanim ng mga punong namumunga at pag-aani roon. Sa apela, nabaliktad ang desisyon at isinantabi ang mga titulo na iginawad kay Leni at sa pamilya nito. Inutos din na isuko ni Lino ang posesyon sa lupa.

Nagsampa ng petisyon si Lino at inakyat ang kaso sa SC. Pero parehas ang naging hatol nito sa CA. Ayon sa SC, ang isang free patent ay isang instrument na ginagawad ng gobyerno para ibigay ang pampublikong lupa sa isang pribadong tao. Ayon sa batas (Administrative Code/Public Land Act) ang DENR ang ahensya ng gobyerno na esklusibong nangangasiwa sa pamamahala at disposisyon ng mga pampublikong lupa maliban na lang at maging pribado na ito na hindi nga napatunayan ni Lino.

Para naman sa lupa na pribado, dapat na malinaw, tuluy-tuloy, at esklusibong hawak ito ng isang tao bilang siyang may-ari mula pa Hunyo 12, 1945. Hindi nagawa ni Lino na patunayan ito kaya nawalan ang korte ng karapatan na hatulan ang kaso.

Tama ang CA na hindi pa napapaso ang karapatan ni Leni na habulin ang posesyon ng lupa mula kay Lino. Bilang mga rehistradong may-ari ng lupa ay habang buhay na may karapatan ang mag-iina na bawiin ang posesyon nito mula sa mga taong illegal na kumuha sa kanila ng lupa. Hindi uubrang depensa ang prescription at laches sa Torrens system. Ibig sabihin, hindi kailanman makukuhang maging pagmamay-ari ng iba ang tituladong lupa dahil lang sa matagal na panahong nagdaan o kaya ay dahil inangkin na nila ito (De Leon vs. De Leon et. Al., G.R. No. 205711, May 30, 2016).

vuukle comment

RTC

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with