Community pantries pantawid sa gutom, hindi pampulitika
Kapag nagugutom ang pamilya o komunidad, malalim ang kahulugan. Emergency na ‘yon. Bigyan dapat sila ng food relief parang sa mga tinatamaan ng sakuna. Tubig, kanin, tinapay, prutas, ulam, delata, at noodles, bigas at gulay na madaling lutuin. Isama na ang baso, pinggan, kubyertos, at gamit panluto.
Kapag tumama ang bagyo, landslide, tsunami, lindol o sabog-bulkan, halos lahat ay wasak. Buwal ang kubo; naiwan ang mga damit at kumot sa pag-evacuate, baha sa paligid, sira ang pananim at gamit sa pagsaka o pangisda, walang sasakyan. Pangunahing pangangailangan ang tubig at pagkain, kasunod ang kagamitan at gamot.
Ganundin sa pandemyang patuloy na nagpapahirap sa marami.
Isipin na walang tao na nais magutom, walang magulang na matitiis na umuungol ang anak na walang laman ang tiyan. Pero kung ginugutom ang buong pamilya, malamang hindi lang hanapbuhay ang nawala sa padre/madre de pamilya, kundi mismong pagkakataon at kakayahan. Tinamaan kaya siya ng sakit, limitado ang skills, at itinakwil ng lipunan? Ni walang pamasahe o lakas ng loob?
Isipin din kung buong komunidad ang ginugutom. Pinabayaan na ba sila ng mga pinuno? Iginupo na ba ang mga matitipuno? Nagkanya-kanya na kaya ang mga bahayan sa tindi ng salot?
Sana sa ganyang perspektiba tanawin ng mga opisyales ang community pantries. Huwag pansinin ang kulay ng pulitika ng nag-organisa sa komunidad. Sa halip, arukin kung bakit ang haba ng pila ng mga kumukuha ng batay sa pangangailangan, at sa rami ng mga nagbibigay ng kung ano ang kaya. Pagtutulungan ang buod ng ayuda.
Tinuya ng isang mataas na opisyal ang mga umaasa sa libu-libong community pantries. “Kung matiyaga kayong pumila sa pagkain, tiyagain n’yo ring pumila para magpabakuna,” ismid niya. Madaling sabihin ‘yon ng tao na hindi nakararanas at nakakaunawa ng gutom.
- Latest