^

PSN Opinyon

Siyasatin nang husto

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Saan nga ba napupunta ang P19 bilyong pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)? Ito ang nais alamin ng Senado sa pangunguna ni Sen. Ping Lacson matapos ang mga kontrobersyal na aksiyon ng ahensya pati na rin ang walang prenong bibig ng kanilang tagapagsalita, si Lt. Gen. Parlade. Naging matindi ang bangayan kailan lang sa pagitan ng mga senador at ni Parlade. Nagsimula ito nang umusbong ang unang community pantry sa Maginhawa St. QC ni Anna Patricia Non. Dinagsa ng mga tao ang kakaibang pamamaraan para makatulong sa kapwa. Hi­ni­­­kayat ang mga may-kaya na magbigay para sa mga nanga­­ngailangan. Walang pulitika at pinagkikitaan. Malinis ang intensyon.

Pero iba ang tingin ng gobyerno na tila nasapawan sila. Pinuntahan ng QCPD ang mga nagbabantay sa pantry at pilit inalam ang kanilang impormasyon. Red-tagging na naman ang tila ginawa kaya pansamantalang itinigil ang pantry dahil sa takot. Pero dahil sa suporta ng mamamayan at batikos sa pamahalaan, sinabi ng Palasyo na paba­yaan ang community pantries. Pero hindi pa rin tumigil ang NTF-ELCAC.

Inakusahan pa rin ng isang opisyal si Non na bahagi ng mga komunista at dinamay pa ang UP College of Fine Arts na ginagamit din daw ng mga komunista. Inihambing pa kay Satanas ang pagsisikap ni Non. Lahat na lang komunista. Kapag tumutulong sa kapwa, komunista. Mga nanawagan ng karapatang pantao, komunista. Kritiko ng administrasyon, komunista. Hindi na bago ang gina­gawang ito ng NTF-ELCAC partikular ni Parlade na ina­kusahan ang ilang artista noon na mga komunista raw dahil kritikal sa gobyerno.

Kaya ngayon, may panawagan na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC dahilan para tawagin ni Parlade ang mga senador na stupido. Ang nais ni Lacson muna ay alamin kung paano nga ginagamit ng ahensiya ang pondo. Ang pondo ng NTF-ELCAC ay sapat para mabigyan ang 3,840,000 pamilya ng tig-P5,000. Ganyan kalaki ang kanilang pondo. At ano ang ginagawa nila? Pinag-iinitan ang mga namimigay ng pagkain. Pansinin ang pangalan ng ahensiya – to End Local Communist Armed Conflict. Nasaan ang mga armadong tao sa mga community pantries? Ito nga ang batikos na inaabot ng ahensiya. Bakit hindi ibuhos lahat ng pagsisikap na puksain ang mga tunay na armadong komunista sa lalawigan? Bakit ang mga namimigay ng gulay ang pinupuntirya nang husto? Ang sabi nga, mga komunista nasa West Philippine Sea.

Tama lang na siyasatin nang husto kung saan napupunta ang malaking pondo ng NTF-ELCAC. Ang nais ng ilang senador ay gamitin para solusyunan ang mga problemang dulot ng pandemya tulad ng kakulangan ng ayuda at bakuna. Dapat bumitiw na rin umano si Parlade bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC. Pero sa tingin ko kahit sino pa ang pumalit sa kanya, pareho lang ang pag-iisip kaya ganundin ka-kontrobersyal ang magiging pahayag. Nagpapasikat nang husto ang ahensiyang ito kay President Duterte kaya walang pakialam kung ano ang ilabas na pahayag.

vuukle comment

NTF

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with