Sino ba ang ibig tamaan ng COVID-19?
Palaging nasisisi ang mga taong tinatawag na “pasaway” na lumalabas ng tahanan sa kabila ng lockdown. Sila raw ang dahilan kung bakit hindi mapigil ang pagkalat ng COVID-19. Pero masisisi ba ang mga taong ito na sa kagustuhang kumita ng pera ay nagagawang labagin ang mga quarantine protocols?
Tama si ACT-CIS partylist Rep. Eric Yap. Aniya wala namang gustong dapuan ng kinatatakutang sakit na ito. Ang gusto lang ng mga tao ay makapaghanapbuhay. Ano nga naman ang buting idudulot ng hindi paglabas sa tahanan kung mamamatay naman sa gutom ang isang pamilya?
Hindi bale sana kung may sapat na pondo ang pamahalaan upang sustentuhan ang bawat pamilya sa panahong bawal lumabas ng tahanan.
Gaano kalayo ang mararating ng apat na libong pisong ayuda kada pamilya lalo pa’t walang kasiguruhan kung hanggang kailan mananalasa ang pandemya sa ating bansa?
Tapos, kapos na nga ang bayan sa pondo, May ilang tiwaling opisyal pa na nangungupit sa inilaang halaga para tulungan ang mga nahihirapang mamamayan. Sadyang mahirap ang sitwasyon ngayon. Sa pinakahuling balita, pananatilihin daw muna ang umiiral na ECQ hanggang hindi bumababa ang kaso ng COVID-19.
Hindi nga naman dapat kondenahin ang bawat taong lumalabas ng tahanan. Unang-una, hindi naman nila ginawa ito para maglamyerda sa labas. Wala namang sinehan at wala namang restaurant na puwede ang dine-in. Hanapbuhay ang pakay nila.
At iyan mismo ang dilemma sa panig ng pamahalaan: papaano magpapatupad ng lockdown nang hindi binibigyan ng sapat na ayuda ang mga mamamayan na dapat manatili na lamang sa bahay.
- Latest