^

PSN Opinyon

Bulilyaso ang bentahan

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Sa Article 315 ng Revised Penal Code, ang anumang pagkuha, paggamit, pagkamkam, o pagtanggi sa pagtanggap ng pera, pagkain o anumang personal na kagamitan na ipinagkatiwala, binigay na komisyon o inilagak sa panga­ngalaga/administrasyon ng iba sa ilalim ng obligasyon na dalhin o muli itong ibalik sa nagbigay ay papasok sa krimen ng estafa. Kung may pagbabago sa napagkasunduan o nagkaroon ng pagpapalit sa transaksyon ay magkakaroon ng tinatawag na “novation” at mawawala ang estafa alinsunod sa Article 1292-Civil Code. Ito ay ipinaliwanag sa kaso ni Clara.

Matagal na magkakilala sina Clara at Brenda. Pareho silang nasa negosyo ng pagbebenta at pagbibili ng alahas. Katunayan ay ilang beses na silang nagkaroon ng tran-saksyon sa isa’t isa. Isang pagkakataon, sinabi ni Clara kay Brenda na may kakilala siyang naghahanap ng singsing na panlalaki at handang magbayad ng mula P50,000 hanggang P80,000. Meron daw nito si Brenda. Kaya sinabihan siya ni Clara na dalhin nila ang singsing sa kliyente nito.

Noong una, ayaw pumayag ni Brenda na ipagkatiwala ang singsing dahil nga mahal ang presyo pero sa huli ay nakumbinsi rin ang biktima. Pinangako sa kanya na isosoli ang singsing kapag hindi nagustuhan ng bibili o kaya ay agad na ibibigay ang bayad sa oras na magustuhan. Pumirma pa sa trust agreement si Clara katibayan na tinanggap niya ang singsing mula kay Brenda at siya ang mananagot sa anumang mangyari kung mawala o manakaw ang singsing. Basta kapag nabenta ang alahas ay ibibigay niya ang pinagbilhan kay Brenda o kaya ay isosoli niya ang singsing sa loob ng dalawang araw kung sakali at hindi mabenta.

Matapos ang dalawang araw, hindi naisoli ni Clara ang bayad o kahit na ang singsing. Lumipas pa ang dalawang linggo bago siya natunton ni Brenda sa puwesto ng negosyo niya. Nang magkaharap sila ay pinangako ni Clara na mababayaran ang singsing sa loob ng 30 araw. Pero dumaan ang 1 buwan, hindi nakabayad si Clara. Nagmakaawa si Clara kay Brenda na huhulugan na lang ang singsing at pumayag naman ang babae. Iyon nga lang ay hindi pa rin nakabayad si Clara. Nagpadala na ang abogado ni Brenda ng sulat para pormal na singilin si Clara. Nangako ang babae na magbabayad ng paunti-unti pero hindi natupad kaya nagsampa na si Brenda ng estafa laban dito.

Ang palusot ni Clara, hindi raw siya kundi ang mga kaibigan nilang sina Virgie at Lita ang may utang kay Brenda. Sila talaga ang may kakilala na bibili ng singsing pero dahil may mga utang pa sila kay Brenda ay si Clara na lang ang natoka na pumirma sa trust receipt, sayang naman daw kasi kung hindi nila makukuha ang singsing.

Ayon pa kay Clara, nagbayad naman siya ng P20,000 mula sa kanyang sariling bulsa bago naisampa ang reklamo ng estafa nang tuluyang hindi nakabayad sina Virgie at Lita sa loob ng dalawang araw.

Pero hinatulan pa rin ng RTC si Clara. Napatunayan ng hukuman na isang singsing na panlalaki na may halagang P75,000 ang dinala at tinanggap ni Clara kasama ng responsibilidad na ibalik kay Brenda ang pinagbilhan o kaya ay ibalik ang mismong singsing sa loob ng dalawang araw kung hindi naibenta. Nasa kaso raw ang lahat ng elemento ng krimen ng estafa ayon sa RTC.

Parehas ang naging hatol ng Court of Appeals. Pero kinuwestiyon ni Clara ang hatol ng CA at RTC hanggang sa Supreme Court. Wala naman daw pormal na paghingi ng bayad sa kanya bago niya ibinigay ang P20,000. Kumbaga, naging utang na lang ito dahil nga nakabigay na siya ng P20,000 at may kulang na lang siya na P55,000 sa kabuuan na P75,000.

Pero kinatigan ng SC ang naging desisyon ng RTC at CA na kalaboso si Clara sa krimen ng estafa. Dagdag pa ng SC, kung sakali at nakabigay nga si Clara ng P20,000 mula sa mismong halaga ng singsing, ang hindi niya pagbabayad ng kabuuan noong sinisingil na siya ni Brenda o kaya ay ang maisoli man lang ang gamit na kinuha ay malinaw na ebidensiya ng estafa. Hindi rin nagkaroon ng pagbabago sa transaksyon nila o sa madaling salita, walang “novation” kahit pa nakabigay ng P20,000 bago ang paniningil ni Brenda.

Ang tinatawag na “novation” ay ang pagtatapos ng obligasyon o pagpapalit/pagbabago ng obligasyon ng isang tao. Ang unang napagkasunduan ay malinaw na natatapos sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga kondisyones o ng mismong sangkot. Importante na ideklarang nagkaroon ng pagpapalit ng kasunduan at walang nagtutugma sa una at ikalawang kontrata. Hindi ipagpapalagay na nagkaroon ng novation. Dapat muna na patunayan ng taong sangkot na nagkaroon ng pagpapalitan ng kasunduan. At ito nga ang hindi nagawa ni Clara sa kaso (Arrivas vs. Bacotoc, G.R. 228704, December 2, 2020).

vuukle comment

ESTAFA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with