^

PSN Opinyon

Sayang ang magandang hangarin

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda - Pilipino Star Ngayon

Hindi na maawat pa ang paghimagsik ng karaniwang motorista sa sistema ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC) na nagsulputan nitong 2021. Matagal nang takda ng batas ang pagkakaroon ng mas matinding ins­peksyon ng mga sasakyan nang masiguro ang karapatan nitong pumalaot sa lansangan.

Sa ganitong pagkagandang hangarin ng batas, aakalain mong magbubunyi ang taumbayan. Subalit kabaliktaran ang nangyari. Sina Senador Grace Poe Llamanzares at Ralph Recto ay kapwa naghain ng resolusyon upang im­bestigahin itong pakana ng LTO na PMVICs. Ang da­hilan? Ang dating halos P500 lang sanang bayad sa taunang rehistro, biglang pumalo ng P1,800. Pagka­tapos, kapag bumagsak sa inspeksyon at mangailangang umulit, papatak­ na naman ang metro.

Napakahirap nga naman, kung tutuusin, na makapasa sa inspeksiyon. Ang hinaing nga ng iba, parang ang ginamit natin ay ang quality control ng mga mayayamang bansa katulad ng Germany para sa ating lokal na sasakyan. Seventy two points ang ginagamit na checklist!

Sa aktuwal na patakbo ng inspeksyon, nagkaroon agad ng kontrobersiya nang maski ang mga walang proble­mang sasakyan ay hinatulang depektibo ng mga PMVIC. Siyempre, lalong nadiskumpiyado ang taumbayan. Papa­ano papangatawanan ang napakamahal na singil kung umpisa pa lang ay palpak agad ang pamalakad?

Ayon sa pag-aaral ni Senator Recto, tinatayang P8 billion ang kikitain ng mga kinontratang PMVIC kada taon. Napakalaking negosyo. Lalo pang uubusin nito ang pasensiya ng lahat.

Makikita ang pagkasuya ng lipunan nang maging ang mga pamahalaang lokal ay nakisali sa isyu. Sa San Fernando, La Union ay nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panglungsod na ipatigil ang operasyon ng kanilang PMVIC. Ang mga probinsya ng Ilocos Norte at Oriental Mindoro, ang mga Lungsod ng Dagupan at Iloilo ay ilan lang sa mga local government units na akmang magpapasara rin ng kani-kanilang mga PMVIC.

Problema na ng pamahalaan kung papaano solusyonan ang tensiyon sa pagitan ng mga mamamayan, ang kanilang mga kinatawang pamahalaang lalawigan at lungsod at ng programang PMVIC na itinakda naman ng batas. Antabayanan natin ang gaganaping Senate investigation upang malinawan.

vuukle comment

PMVIC

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with