^

PSN Opinyon

Dangal ng kanilang yapak

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda - Pilipino Star Ngayon

Seventy Eight years old na sana siya kung inabot ang kanyang kaarawan sa araw na ito. Espesyal lagi ang Pasko sa aming pamilya dahil dalawang araw bago ito sumapit, pinagdiriwang muna namin ang birthday ni Marichu­ “Manay Ichu” Vera-Perez Maceda, ang aming ina.

Sa rami ng pinagdaanang pagsubok itong taong 2020, para bang nasanay na tayo sa hamon. Subalit ibang bagay ang mamatayan ng mahal sa buhay. Hindi talaga ito napaghahandaan. Kaming magkakapatid na naulila nang siya’y agawan ng buhay noong Setyembre 7 ay maninibago sa bagong anyo ng aming Pasko.

Gaano man kabigat ang kahaharapin, nagiging mas magaan kapag alam mong nariyan lagi sa tabi mo ang magulang, lalo ang iyong ina. Hindi kailangang literal na nakatayo sila sa likuran. Sapat nang isipin mong may mga tao sa buhay mong matatakbuhan kapag nahirapan. Mga kaibigan, kasamahan at higit sa lahat, mga magulang. Ang kanilang suporta at pagmamahal ang puwersang bubuhat sa atin upang malampasan ang anumang hadlang.

Kung kaya parang gulong o lobong tinanggalan ng hangin ang pakiramdam nang mawalay sa kanila. Masakit at nakabibigla. At kapag natutunan nang tiisin ang hapdi ng sugat, kasunod nito’y ang mapag-aralan kung pa­­paano titindig na wala nang sinasandalan.

Kaya ang ganitong Pasko ay nakakapanibago. Ang unang Pasko na hindi sila kapiling ay bagay na hindi pinag­paplanuhan. Subalit gaano man kabigat ang dalahin, tayo man ay mga magulang din. At ang papel na dati’y gina­gampanan nila, ngayon ay nakasabit na sa ating balikat.

Sila rin ay tiniis ang pagkaulila sa magulang at naiparamdam sa atin ang solidong presensiya sa ating buhay. Ganoon din ang tungkuling ipinamana upang maging kapaki-pakinabang para sa ating mga anak. Bahala na kung gaano katagal at katinding didibdibin ang kanilang pagkawala. Huwag lang natin mapabayaan ang sariling obligasyon sa umaasa.

Kapag ito’y magampanan nang maayos, nakasisiguro tayo na mapapagaan ang kargang dalamhati. Ang kanilang diwa ay nabubuhay sa ating pagpaparangal sa kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang mga yapak.

Sa gitna ng matinding pagsubok ng 2020, nawa’y makahanap ang lahat ng ligaya at katiwasayan ngayong Pasko.

vuukle comment

PASKO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with