^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Maghigpit para di tumaas ang COVID-19

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Maghigpit para di tumaas ang COVID-19

Sinabi ng Department of Health (DOH) noong Biyernes na posibleng tumaas pa ang kaso ng COVID ngayong holiday season. Sabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, mayroon nang ba­hag­yang pagtaas ng kaso sa nakalipas na ilang linggo at posibleng tumaas pa ngayong Kapas­kuhan. Sabi pa ng DOH secretary, ang bahagyang pagtaas ng kaso ay dahil sa pagdami ng tao sa evacuation centers nang manalasa ang mga bag­yong Ulysses, Rolly at Quinta. Maraming inilikas na mga tao at hindi na naipatupad ang physical dis­tancing.

Nakaaalarma naman ang sinabi ng OCTA Research Group of the University of the Philippines na bago raw matapos ang Disyembre 2020 ay aabot sa 500,000 ang kaso ng COVID. Ayon sa OCTA, nakakakita sila ng bagong pagtataas ng kaso sa National Capital Region, Davao at Western Visayas. Ganunman, sinabi ng OCTA na ang pagtaas ng kaso sa NCR ay hindi dapat ikabahala. Sabi pa ng OCTA ang pagtaas ng kaso sa NCR ay dahil sa pagpapaluwag at pagbubukas ng ekonomiya.

Posibleng mangyari ang sinabi ng DOH at OCTA na tataas pa ang kaso ng COVID lalo ngayong Kapaskuhan. Sa ganitong sitwasyon, nararapat na higpitan ang pagpapatupad ng health protocol. Marami nang nakakalimot na magsuot ng facemask. Marami na rin ang mga nag-iinuman ng alak na iisang baso ang ginagamit. May mga nagka-karaoke­ at pasa-pasa sa mikropono.

Bukod pa sa mga ito, dagsa rin ang mga tao sa Divisoria at wala nang pagsunod para maiwasan ang virus. Marami ang namimili ng pangregalo at nalilimutan na ang mga dapat gawin para hindi mahawahan ng virus. Nararapat maghigpit ang mga awtoridad. Huwag hayaang tumaas pa ang kaso ng COVID. Huwag hayaang masayang ang walong buwan na pagsasailalim sa lockdown. Ipagpatuloy ang nakasanayang pagsusuot ng face mask, face shield at paghuhugas ng kamay. Mapipigilan ang pagdami ng COVID cases kung susunod sa health protocol. Huwag maging pasaway lalo’t balak ng PNP na gumamit ng yantok sa mga lalabag.

vuukle comment

DOH

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with