Energy kailangan sa economic recovery
Huwag mag-alala dahil matatapos din ang pandemyang kinakaharap natin na nagparalisa sa kabuhayan. Pero kasunod niyan, higit nating kakailanganin ang enerhiya sa pagbabangon ng ekonomiya. Bago pa nanalasa ang COVID pandemic, kritikal na ang kakulangan ng enerhiya. Mangangailangan tayo ng maasahan at sapat na supply ng kuryente sa mga darating na panahon para ibangon ang nalugmok na ekonomiya.
Kailangang makapag-supply ng sapat na enerhiya ang energy sector para sa milyun-milyong kabahayan, industriya at negosyo kapag nagbalik tayo sa normal. Ang karbon o coal ay episyenteng mapagkukunan ng elektrisidad. Kaso, may mga grupong tutol dito. Kaya tuloy napipilitan ang mga kompanya ng kuryente at kooperatiba na bumili ng mahal na liquified natural gas (LNG) para hindi tayo kapusin ng elektrisidad.
Sa prangkisa ng mga power distributors gaya ng Meralco, obligado silang magbigay ng murang kuryente. Iyan ang dahilan kaya dapat tuluy-tuloy ang pagtatayo ng mga episyente at makabagong planta. Ayon kay Alfonso Cusi, kalihim ng Department of Energy, ang “technology neutral approach” ang mabisang paraan para tugunan ang lumalaking demand sa energy.
Sabi ng iba, panahon nang gumamit ng renewable energy source tulad ng solar. Ayos sana iyan kaso, hindi pa kayang tugunan ng mga renewable sources ang malaking demand ng bansa sa elektrisidad. Kung susuriin, hindi coal ang nagpaparumi sa kapaligiran kundi ang mga generator at kandila na ginagamit kapag may blackout. Isa pa, ang mga solar panel ay hindi makakapagprodyus ng enerhiya sa gabi, kapag umuulan o kapag maulap ang kalangitan.
Ang mga wind turbine naman ay di rin makakagawa ng enerhiya kapag walang sapat na hangin. Kung gagamitan ng mga baterya ang renewable sources na ito ay mas lalong magmamahal ang kuryente dahil napakamahal ng malalaking baterya.
Kailangan din ng malawak na lupain ang mga solar farm para makagawa ng sapat na enerhiya. Ang paggamit ng malawak na lupain para itayo ang mga solar plants ay magiging sanhi para mawalan ng sasakahing lupa ang mga magsasaka at Pilipino na umaasa para sa kanilang ikabubuhay.
- Latest