Pasaway
Ayan na nga at nahawa na ng COVID-19 si U.S. President Donald Trump. Hindi na kagulat-gulat na madapuan ng virus ang lider ng pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Walang nagawa ang pagiging advanced ng Amerika sa teknolohiya. Sa pag-asta ni President Trump mula nang nag-umpisa ang pandemya, isa ito sa pasimuno ng “business as usual” na pananaw. Para bang hindi gaanong ininda ang paalala ng agham at medisina na mag-ingat sa peligro ng coronavirus.
Ang kalagayan ni President Trump ay salamin din ng kapalaran ng kanyang mga kababayan. Naging mahirap para sa U.S. ang magkaroon ng iisa at organisadong kampanya laban sa coronavirus dahil sa sistema nitong Pederalismo. Sa Pederalismo ay may awtonomiya ang bawat estado at mga lokal na pamahalaan na magdesisyon sa mga hakbang na gagamitin laban sa virus.
Sa mga bansang may Pederalismo, nagdadalawang isip na kung papaano ito pag-iibayuhin. Kapag may ganitong banta sa kalusugan at kaligtasan, kritikal na ang takdang stratehiya ay mapangatawanan ng pangkalahatan. Hindi ito magiging mabisa kapag ang bawat isang teritoryo ay may kanya-kanyang patakaran. Walang sasantuhing border ang COVID-19.
Maging ang personal na ugali ni President Trump ay hindi rin dapat tinutularan. Taliwas sa abiso ng mismong mga pinuno ng kanyang Health and Infectious Disease Specialists, nagsawalang bahala ito kahit sa simpleng proteksyon ng pagsuot ng masks at pagdistansya sa kausap. Sa kanyang mga pampublikong pakikihalubilo, wala itong pakundangan na sumuong kahit sa gitna nang maraming tao. At ang masama ay harapan nitong kinukuwestyon ang bisa ng mga pag-iingat na para sa lahat.
Marahil ay naniwala si President Trump na hindi dapat tayo nagpapatalo sa takot. At hinihiling din ng pagkakataon na maipagpatuloy ang negosyo at ekonomiya. Kung kaya ipinamalas din niya ang tapang ng isang lider na hinihikayat ang bansang ipagpatuloy ang pamumuhay na nakagawian.
Ang kanyang sentensiya sa COVID-19 ay paalala na matapang man tayo, kailangan pa ring mag-ingat dahil ang virus ay hindi pa rin nawawala.
- Latest