EDITORYAL - Kanselado ang mga pagtitipon sa Pasko
MARAMI nang nakanselang event dahil sa pananalasa ng coronavirus at marami pang susunod. Mula pa Marso ng taong ito, hindi na mabilang ang mga ipinagpaliban o hindi na itinuloy na plano. Nakansela noong summer ang maraming booking dahil sinuspende ang mga flight. Tigil lahat ang biyahe.
Kamakalawa, pinagpaplanuhan na ang pagpapaliban ng taunang traslacion ng Poong Nazareno. Unang pagkakataon na maipagpapaliban ang traslacion na dinadaluhan ng milyong deboto. Kahit sa Enero pa gaganapin ang traslacion, minabuti nang magkaroon ng plano. Ang pagtitipon nang maraming tao sa traslacion ay maaaring magbunga nang pagkalat ng virus. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay kabilang na sa 20 bansa sa mundo na may pinakamaraming COVID cases.
Ang taunang Christmas parties na ginaganap sa mga pampubliko at pribadong tanggapan ay kanselado na rin. Sabi ng Metro Manila mayors kinakanselahin na nila ang Christmas parties sa kanilang mga tanggapan. Hindi raw prayoridad ito sa panahon ngayon na ang bansa ay nakikipaglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na magkakaroon ng memorandum sa lahat ng departments para maiwasan ang pagtitipun-tipon ngayong panahon ng Kapaskuhan. Hanggang may pandemic ay kailangang maipasunod ang pagbabawal sa pagtitipon. Sa kasalukuyan, patuloy pang tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19.
Si Olivarez, pinuno rin ng Metro Manila Council, ay nagsabing kahit na nakalagay na sa general community quarantine ang Metro Manila, ang pagbabawal sa mass gatherings ay istriktong ipatutupad. Hindi papayagan ang pagtitipon ng mga tao lalo pa nga ang mga nakaugalian nang pagsasamasama o pagseselebra sa Pasko.
Maganda naman ang balak ni Quezon City mayor Joy Belmonte. Agad niyang pinag-utos sa lahat ng tanggapan at departamento na kanselahin ang taunang Christmas parties at ang pondo na nakalaan para rito ay ipamahagi sa mga mahihirap na pamilya sa lungsod.
Tama ang hakbang na ito ni Mayor Joy. Ito ang nararapat sa panahong ito na marami ang naghihikahos. Sana ganito rin ang gawin ng iba pang mayor hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa. Ang pondo para sa Christmas parties ay ipagkaloob sa mga naghihirap at walang makain. Sa rami ng mga nawalan ng trabaho, ang pagbibigay sa kanila ay malaking tulong para madama ang kahulugan ng Pasko na sinagasaan ng pandemya. Kahit paano maiibsan ang nadaramang pagkasiphayo.
- Latest