^

PSN Opinyon

Pinakain ng lason

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang kasong ito ay tungkol sa iba’t ibang sirkumstansiyang nakakagaan o nakakabigat sa ginawang krimen. Puwedeng parehong mayroon nito sa krimen. Makakabawas o makakadagdag ito sa hatol depende sa rami ng sirkumstansiyang sangkot. Minsan naman ay tatablahin lang nito ang isa’t isa. Ang nakabigat sa krimen ngayon ay ang paggamit ng lason, pagpaplano sa krimen at pag-abuso sa tiwala ng biktima samantalang ang mga sirkums­tansiyang nakagaan sa kaso ay ang kusang pagsuko at ang pag-amin sa sala. Ang mga isyu ay kung totoong namatay ang biktima sa pagkalason sa pamamagitan ng pinagplanuhang pagpatay at ang pag-abuso ng akusado ng tiwala ng biktima pati ang isyu kung totoong kusang sumuko ang salarin. Ito ang kaso ni Benj.

Isang negosyanteng bumibili at nagbebenta ng applian­ces sa kanyang bahay si Benj. Habang abala sa negosyo, nakilala niya si Samuel at naging malapit ang relasyon nila sa isa’t isa. Nanirahan na si Samuel sa bahay ni Benj at nagtrabaho sa kanya bilang katulong o alalay sa negosyo. May asawa si Samuel na ang pangalan ay Agnes.

Makalipas ang dalawang buwan, nahimok ni Benj si Samuel na kumuha ng life insurance policy sa halagang P100,000 nang minsang may ahente na mag-alok sa kanilang bahay. Si Benj ang principal beneficiary at pinalabas nilang nakababatang kapatid siya ni Samuel. Gumamit pa siya ng pekeng pangalan. Dahil hindi nakapag-aral ay nilagyan lang ng thumbmark ni Samuel ang kontrata. Noong araw din na iyon ay ipinasa at ina­prubahan ang insurance policy.

Nag-abang lang si Benj ng magandang pagkakataon para lasunin si Samuel. Nakahanap siya ng tiyempo makalipas ang 20 araw nang pumunta sa palengke si Samuel at bumili ng galunggong pati mga prutas. Niluto ni Benj na paksiw ang galunggong habang binubuo sa isip ang desisyon na lasunin si Samuel.

Dahil hindi gusto ni Benj na lasunin pati ang asawa ni Samuel na si Agnes, pinapunta niya ang babae sa mga kapitbahay para tumambay roon. Nang handa na ang hapunan ay pinakuha ni Benj si Samuel ng tubig na inumin. Pagtayo ng lalaki, sinamantala ito ni Benj at binuhos ang arsenic solution sa plato ng kanin ni Samuel at sa ulam na paksiw na galunggong. Nagpalusot pa si Benj na hindi niya gusto ang ulam kaya pritong itlog na lang ang kanyang kinain samantalang inubos ni Samuel ang kanin at anim na pirasong galunggong.

Makalipas ang isang oras, nagreklamo na si Samuel kay Benj na nahihilo at nasusuka. Isinuka pa nga nito ang paksiw na galunggong. Pinanood lang siya ni Benj at binigyan lang ng isang boteng mainit na tubig. Bandang hapon, dinala niya si Samuel sa isang doktora pero hindi niya inamin ang pagbibigay ng lason na ibinuhos niya sa pagkain. Niresetahan lang ng doktora ng mga tableta si Samuel. Pero pagkaraan lang ng dalawang araw ay namatay ito.

Inimbestigahan ng NBI si Benj tungkol sa paglason. Sa pagtatanong, umamin si Benj at gumawa ng salaysay tungkol sa ginawa niyang paglason kay Samuel gamit ang arsenic solution. Ayon sa toxic report ng doctor ng NBI, may mga bakas ng arsenic sa katawan ng bangkay at ito rin mismong arsenic poisoning ang sanhi ng pagkamatay ni Samuel.

Sa arraignment ng kaso, inamin ni Benj ang ginawang krimen. Inalalayan pa siya ng kanyang abogado sa paglilitis. Pero kahit umamin sa pagkakasala, tinanggap at pinag-aralan pa rin ng korte ang mga ebidensiya patungkol sa mga sirkumstansiyang nagpabigat o nagpagaan sa krimen saka naglabas ng hatol.

Napatunayan nito na nagkasala si Benj sa kasong murder at nakabigat o aggravating circumstance na pinagplanuhan niyang mabuti ang krimen pati inabuso niya ang tiwala ng biktima. Nakagaan naman o mitigating circumstance sa kaso ang ginawa niyang kusang pag-amin. Hinatulan siya ng kamatayan pati pinagbabayad ng danyos sa mga naulila ng biktima.

(Itutuloy)

vuukle comment

KRIMEN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with