Bagong normal
Mayo 10 ang deadline ng distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP). Mula P5,000 hanggang P8,000 ang ayuda ng pamahalaan, mando ng Bayanihan Law, na ipinamahagi sa mga higit na nangangailangan.
Naging masalimuot ang implementasyon ng programa. Sa pag-finalize ng talaan na gamit ang record ng DSWD noong 2015 (may orihinal na 15-million na pamilyang naisama), nadagdagan ito ng additional na 3-million families para punuan ang diperensya ng limang taon. Kung bibilangin sa average na 5 katao kada pamilya, 18-million multiplied by 5 ay abot ng 90-million katao. Ang pangkalahatang populasyon ng Pilipinas ayon sa huling census ay 109-million mahigit.
Siyempre, hindi naging madali ang pamamaraan. Bagamat sa nasyonal na pamahalaan manggagaling ang pondo, sa aktuwal na pamamahagi ng ayuda, kinailangan ang koordinasyon ng lokal na social welfare department, ang pamahalaang lokal at ng mga barangay officials na bagsakan ng pondo.
May mga lugar na naging maayos ang bigayan. Subalit inulan din ang Palasyo ng reklamo sa dami ng lugar na nagkaroon ng aberya. Dito rin nakita sa mga media ang pantasya ng social distancing. Sa mga sobra-sobrang nangangailangan, walang naganap na social distancing sa mga pila. Sa mga malalaking barangay kadalasan naganap ang ganung siksikan. Pihadong may patakaran ding pinatupad ang mga barangay official subalit dahil sa ugaling hindi makapaghintay, nagkanda-letse-letse. Kitang-kita ito sa viral picture ng distribution sa Bgy. Bagong Silang, Caloocan.
Maraming naging kaso ng mga nakalistang walang karapatan. Asawa ng opisyal, empleyado ng gobyerno, may trabaho sa pribado, OFW. Nakalusot man sa lokal na social welfare, natiklo rin pagdating sa DSWD national.
Maraming pagbabagong hatid ang COVID-19 ECQ. Sana ang ganitong kawalan ng disiplina at kultura na nang-iisa ang maunang mapalitan ng bagong normal.
- Latest