^

PSN Opinyon

‘Sex change’ (Huling bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

SUMANG-AYON ang Supreme Court sa Court of Appeals. Ayon sa SC, wala talaga tayong umiiral na batas sa Pilipinas na pumapayag sa pagpapalit ng pangalan at kasarian na nakalagay sa birth certificate dahil lang sa sex reassignment. Ang pagpapalit ng pangalan ay pina­payagan at ginagawa ng misyong siyudad o muni­sipyo o kaya ay kahit ng consul general kung ito ay pagkakamali lang sa spelling o typographical error/clerical error lamang. Maaari rin itong palitan ng korte kung mapa­patu­nayan na (1) masyadong katawa-tawa o kaya ay naka­ka­­hiya ang pagbigkas o kaya naman ay napakahirap bigkasin ang pangalan, (2) ang unang pangalan o ang palayaw ang laging­ gamit ng taong sangkot at kilala na siya ng publiko sa panga­lan na iyon; at (3) makakaiwas sa pagkalito ang pagpapalit ng pangalan (Sections 1 & 4, RA 9048).

Ang tinatawag natin na clerical error ay pagkakamali lang sa pagsulat, pagkopya o pag-type sa detalye sa birth certi­ficate sa civil registrar. Mababaw lang ang pagkaka­mali tulad ng pagkakamali sa pangalan o sa lugar ng kapanganakan. Kitang-kita ito ng mata at hindi na kaila­ngan ng paliwanag dahil madaling itatama sa pagkumpara lang sa ibang rekord. Pero ang pagpapalit ng nationa­lidad, edad, estado, at kasarian ng isang tao ay hindi puwedeng payagan (Section 2[c] RA 9048).

Ayon sa batas (Article 407 Civil Code), ang pinapaya­gan lang itama ng korte ay ang mga detalye tungkol sa kapasidad, estado at nationality ng isang tao. Pero hindi maitu­turing na kasama sa kategoryang nabanggit ang sex reassignment. Hindi nga ito kinikilala sa batas. Walang malinaw o kahit pa disimuladong pagbabanggit sa kahit anong batas ang tungkol dito. Kung walang ginawang pag­lilinaw tungkol sa ibig sabihin ng “sex”, “male” o “female” sa kahit anong batas tulad ng Civil Registry Law at iba pa, dapat ay walang konotasyon tungkol sa simpleng ibig sabihin nito. Ang malinaw lang sa batas, ang “sex” o kasa­rian ay ang nagdidikta kung lalaki o babae ang isang tao base sa kanyang istruktura. Ang lalaki o “male” ay may spermatozoa samantalang ang babae (female) ay may “ova”.      Hindi kasama sa mga salitang nabanggit ang tungkol sa mga taong sumailalim sa sex change. Ang “sex” na nakapaloob sa Civil Registry Law ay ipinatupad simula pa noong 1900 at hindi nabago. Hindi puwedeng basta magpaopera at magpapalit ng kasarian para lang makalusot sa batas.

Isa pa, ang mga pagbabagong gustong mangyari ni Toni ay magkakaroon ng seryoso at malawakang legal at pampublikong epekto. Ang kasal ay isa sa pinakasagradong institusyon sa ating bansa at isang espesyal na kontrata sa pagitan ng isang babae at isang lalaki. Isa sa mga kondisyon para masabi na may kapasidad na magpakasal ay dapat na isang babae at isang lalaki ang sangkot. Kung papayagan ang petisyon ni Toni ay parang pinaikot na rin natin ang batas. Siguradong mababago ang lahat ng umiiral na batas tungkol sa pamilya at kasal. Papayagan nito ang pagpapakasal ng isang lalaki sa kapwa lalaki dahil lang sa sexual reassignment. Ang umiiral na batas para pangalagaan ang kapakanan ng publiko ay tiyak na maaapektuhan kapag pinayagan ang petisyon. Kaya mali rin ang deklarasyon ng RTC na alinsunod sa dikta ng hustisya at pagkakapantay-pantay ang payagan ang petisyon (Silverio vs. Republic, G.R. No. 174689, October 22, 2007).

vuukle comment

SEX CHANGE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with