Kumupas na nga ba ang Dilaw? (Part 2)
NAPATALSIK ang diktadurya noon ng dating President Ferdinand Marcos, at naupo ang pumalit na President Cory Aquino noong 1986 — dahil sa pamamahayag.
Nangahas noon ang istasyon ng Simbahang Katolika, ang Radio Veritas, na bigyan ng boses ang mga hinaing ng bayan laban sa gobyerno ni Marcos.
Pinaulanan ng dahas ang istasyon at sinarado ng mga sundalo ng administrasyon. Pero hindi napigilan ang boses ng bayan. Nabigyan ng mikropono ang noo’y broadcaster na si June Keithley sa DZRJ at tinawag na Radyo Bandido ang programa kung saan tuluy-tuloy ang pagtawag sa mga tao na pumunta sa EDSA at maghimagsik laban sa gobyerno.
Pinaulanan din ng bala ang transmitter nito. Dumaan din sa dahas ang pagpigil ng broadcast sa Voice of the Philippines noon sa Bulacan, na noo’y nananawagan din laban sa gobyerno.
Napigilan ba ang EDSA Revolution? Hindi.
At, mula noon, naibalik na ang kalayaan sa pagsasalita at pamamahayag, hindi ako naniniwala na papayag pa ulit ang tao na mabusalan na naman ang bibig ng mga Pilipino.
Dilaw ang naging simbolong kulay ng kalayaan. At matagal-tagal ding natuntungan ang kulay na ito para sa iba’t ibang proyekto, plataporma ng pulitiko, kahit nga motibo na lihis sa prinsipyo ng reporma at katinuan sa pamamahala. Hindi kasi lahat ay mababantayan.
At sa pagdaan ng panahon na kumukupas unti-unti ang kulay, parang nagkapuwang para sa kalituhan ng marami kung ano ba ang dapat binabantayan, ano dapat ang patuloy na ipaglalaban. (Itutuloy)
- Latest