^

PSN Opinyon

Fake news ba si Mayor Isko?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

KUNG sikat ka o sanay ka sa popularidad, malamang medyo­ sanay ka na rin sa batikos at paninira. Walang per­pekto, at hindi mo kakayanin na lahat napapasaya mo. Mula nang manalo bilang mayor ng Manila ang dating artista at naging konsehal at vice mayor na si Isko, pinagkaguluhan na siya ng madla. Bata, pogi, minsan nang naging talunan at for­ever supporting cast sa mga malalaking pulitiko. Siya mismo ‘di niya inakala na makakabangon pa siya sa pagkatalo dati. Ngayon, parang superstar. Mabango. Pinag-aagawan ng mga may ambisyon sa pulitika.

Sa totoo lang nahuli na nga ako na lumapit kay Yorme para siya ay makapanayam. Ayaw ko kasi ng siksikan. Ang gusto ko, mga bagong balita. Kaya pinalamig ko muna ang ibang reporter. At heto na nga, nainterbyu ko narin si Yorme sa City Hall nung isang araw.

Madaldal si Yorme. Marami at mahaba ang kuwento. Pero, ‘di ako nabagot. Nakinig nga ako sa lahat ng sinasabi. Wala rin akong pasensiya sa puro daldal na walang saysay. Palagay ko, kaya ako napakinig sa kanya ay dahil alam ko rin ang pinanggalingan niya. Biruin mo nga naman­, dating “squatter” Kung tawagan sila rati, nagsumiksik sa ilalim ng tulay o flyover ba ‘yun — ngayon ay mayor na ng Manila­! Tunay ang talambuhay. Ni-report namin ang life­story ni Yorme sa Rated K noong nagsisimula palang siya sa pulitika. Kumakalap at nag-aabang ng mga tapon­ na pagkain galing sa mga restawran. Saka lulutuin ulit at ibe­benta o kakainin. May mga ‘di raw naniniwala sa kuwen­tong buhay niya. Sabi pa nga niya ay nadiskubre raw siya ng isang talent manager sa lamay ng patay. Nakikiramay silang barkada sa lahat ng namamatayan sa barangay nila. Kahit ‘di nila kilala ‘yung patay. Kasi libre raw ang sopas. Akala ng iba, nambobola si Isko.

Eksklusibong pinakita ni Yorme ang isang amateur video na binigay sa kanya ni Daddy Wowie, ang talent manager­ na nakadiskubre kay Isko Moreno, na ang tunay na pangalan­ ay Domagoso. Ayun! Video ito ng gabi ng lamay kung saan unang nakita ni Daddy Wowie ang makutim na teenager na makapal ang kilay, matangos ang ilong at kapag pala nakaligo na ay maputi! Laking tawa namin lahat nang mapanood namin ang video. Sabi ni Yorme, “Ayan, sa lahat ng nagsasabing hindi totoo na galing ako sa buhay na ganyan, ‘yan na ang ebidensya!” Ang kuwento ni Isko ay pang-pelikula o libro. Hindi ako naniniwala na wala siyang nagawa ng mga kasalanan din sa buhay niyang personal o sa pulitika. “Hindi ako anghel, pero may mga bagay na kailanman ay ‘di ko gagawin”, sabi niya. Pero, totoo ang kan­yang hirap na pinanggalingan. Nag-aral. Nagtapos. Nakakapag-Ingles na nang tama. At nanalo.

Tatakbo ba siya? May ambisyon? Sabi niya, “Korina, lahat ng pumapasok ng pulitika kahit paano may ambisyon na maging Presidente balang araw, bakit hindi? Pero, minsan na akong natalo at nalugmok. Akala ko katapusan na ng karera ko. Pero heto. Inangat ako ng mga taga-Maynila. Pinili nila ako na pamunuan sila at binigay sa akin ang pangalawa kong buhay. Iiwan ko ba sila nang pagkatapos lang ng isang termino na para ko lang silang tinuntungan at saka sabay layas? Marami pang trabaho rito at maraming aayusin. Dito muna ako”. Pag ako ni Mayor. Naniniwala naman ako.

Marami pa kaming pinagkuwentuhan. Balak ko ngang isa-isahin sa kolum na ito. Oo, Totoo ang karisma ni Isko. Totoo ang talambuhay niyang pampelikula. Totoo ang sina­sabi niyang nagawa na niyang proyekto mula sa mga pangako n’ya sa nakaraang kampanya. Pero ang magiging totoong sagot sa tanong na “Fake News ba si Isko Moreno?” ay sa pagtatapos ng kanyang termino na matutupad ang mga pina­ngako niyang magiging malinis, masigasig na serbisyo, Maraming aayusin. Nakalista ang mga project. Sa ngayon, OK. Balikan natin siya pagkatapos ng 2022.

vuukle comment

ISKO MORENO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with