^

PSN Opinyon

Pasko

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ilang araw na lang bago sumapit ang Pasko. Nagkakagulo at nasasabik tayo sa pagdating nito. Pero tulad ng nagdaang Pasko, napakabilis nito at hindi na natin halos maipagdiwang. Parang napakabilis malusaw ng apat na kandila ng adbento kumpara dati. Pero sa kabila nito, dapat pagtuunan natin ang kahalagahan ng Pasko imbes na ang kutitap at dekorasyon na panlabas lamang. Dapat na maintindihan natin ang tunay na diwa ng Pasko.

Paano nga ba natin mararanasan ito sa ating buhay? Puwede ba tayong sumaya sa paghahanda at pagpunta  lang sa mga Christmas party o sa paglalagay ng mga Christ­mas lights? Siguro ay ito rin ang mga tanong na umiikot sa ating isipan kung pakiramdam natin ay may kakulangan tayong nararamdaman. Puwedeng masaya tayo sa mga party pero pagkatapos ay masakit naman ang ulo natin sa paggising sa umaga dahil sa hangover. Ang Pasko ay hindi lang tungkol sa pagsasaya at pagpunta sa mga party.

Walang makapagsasabi kung ano ang totoong ligaya sa buhay. Pero malay natin, baka naranasan na natin ito minsan sa ating buhay sa pagsapit ng Pasko pero hindi lang natin napansin. Parang isang kisap ng liwanag sa mundong nababalot ng dilim.

Sa kaso ko, isang gabing umuulan ay nakita ko ang mga batang lansangan na namamalimos sa kalsada na hindi alintana ang panganib sa daan. Isang limang taong gulang na batang babae na may matang malulungkot ang sumilip sa bintana ng aking sasakyan. Naisip ko na ilang beses na siguro siyang nagpalipat-lipat sa mga sasakyan at nagbabakasakali na abutan siya ng limos. Binigyan ko siya ng pera at nakita ko na ngumiti siya at nagliwanag ang mukha sa kaligayahan na hindi ko nakita sa aking buhay.

Nakita ko rin ang parehong mukha sa mga batang maysakit sa National Children’s Hospital kung saan dumalaw ang Rotary Club Cubao West para sa taun-taong proyekto sa pamamahagi sa Pasko. Masaya sila sa kabila ng kanilang kahirapan at sakit na nararamdaman. Ang kasayahan nila ay nagdudulot ng hindi maipaliwanag na sundot sa ating puso.

Hindi rin makakalimutan ang karanasan namin sa Home for the Aged na dinalaw ng Rotary Club. Maluluha sila at labas pa ang kanilang mangilan-ngilang ngipin sa pagkakangiti. Tuwang-tuwa sila na natandaan silang dalawin ng Rotary kahit minsan sa isang taon. Bakat sa kanilang mga katawan ang hirap na kanilang dinanas sa nagdaang mga taon pero makikitang masayang-masaya pa rin sila.

Isa rin na nagpapasaya sa atin ay ang mga mukha ng ating mga kapamilya na tumatangkilik sa atin at tinatanggap tayo sa pamamagitan ng mahigpit na yakap. Ang mga tatay, nanay, kuya, ate, anak na babae at lalaki na napilitan na mangibang bansa dahil sa hirap ng buhay sa ating bansa. Ang kasayahan nila ay makikita kahit sa telebisyon at kahit paano ay nababalot tayo ng hindi maipaliwanag na kasayahan. Ang makita lang silang masaya ay sapat na para sumaya ang buhay ko ngayong taon.

Ang kasayahan din sa mga party sa kulungan sa Quezon City Jail na tinutulungan ng aming Rotary kada taon ay hindi rin matatawaran. Ang ating mga kulungan ay isa sa pinakamasikip sa mundo. Hindi sila makatulog nang maayos at hindi halos magamit ng tao ang mga pasilidad dahil sa kakulangan ng ispasyo.

Pero kahit napakasikip at nakakaawa ang kanilang sitwasyon, nakuha pa rin ng higit 3,000 preso na magsaya. Nagkantahan sila ng mga pamasko at sa kabila ng nakaaawa nilang katayuan sa buhay ay nakuha pa rin nilang maging masaya. Ang hangin sa kabila ng kulungan ay puno ng kasayahan at lalo tayong hinihikayat na magkaroon ng mas matibay na pananampalataya sa ating mapagmahal at maawain na Poon.

Bukod sa Pasko, hindi ko rin makakalimutan ang mga okasyon na dumadalaw kami sa aming nag-iisang anak na si Joyce noong buhay pa siya at kasalukuyang pinahihirapan ng sakit na cancer. Kahit pa malungkot at seryoso ang sitwasyon sa ospital ay babatiin niya kami ng nakangiti sa kabila ng sakit na iniinda.

Hindi rin namin maubos maisip kung paano pa niya nagagawang magsaya sa kabila ng sakit. Mas pinahahalagahan pa niya ang aming kapakanan at lagi lang niyang sinasabi sa amin na lilipas din ang sakit at makakauwi na siya sa isang lugar na walang kamatayan.

Lahat nang ito ay nagtuturo sa amin kung ano ang tunay na kahalagahan ng Pasko. Sa kabila ng sakit at kawalan ng kayamanang materyal ay nabibigyan tayo ng pagkakataon na silipin ang kasayahang bigay ng langit mula sa mga tao at pangyayari na nakaapekto sa ating buhay.

vuukle comment

PASKO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with