^

PSN Opinyon

Anak laban sa ampon (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

ISANG kaso ito ng pag-ampon. Sinasabi sa batas na kung ang aampon sa bata ay may-asawa, sabay nilang gagawin ang pag-ampon sa kondisyon na pumapayag din ang kanilang mga anak sa gagawing pag-ampon basta’t edad 10 taon pataas ang kanilang anak. Ito ay para siguraduhin ang kapayapaan at katahimikan sa magkakapatid na ampon at anak. Kung ginawa ang pag-ampon na walang pahintulot ng asawa at anak ay ituturing pa rin kaya itong legal? Ito ang mga tanong na sasagutin sa kaso ni Harley. 

Kasal si Harley kay Layla. Kahit pa sabihin na magulo ang kanilang pagsasama dahil may pagkabakla si Harley at madalas silang mag-away ay nagkaroon pa rin sila ng anak isang taon matapos magpakasal. Kaya lang, dahil ipina-nganak na may congenital disease, siyam na araw lang ang itinagal ng buhay ng bata. Dalawang buwan pagkamatay ng sanggol ay nilayasan ni Layla si Harley.

Pero pitong taon pagkatapos ng kanilang kasal ay nagkasundo ang mag-asawa at muling nagsama kahit sabihin pa na hiwalay sila ng tirahan. Isang taon din mula nang muling bisitahin ni Harley si Layla ay nanganak ang babae. Miya ang pangalan ng kanilang anak. Tuluyang naghiwalay ang mag-asawa pero nanatili silang magkaibigan.

Noong 70 anyos na si Harley, nagsampa siya ng petis­yon sa RTC ng probinsiya kung saan siya nakatira para ampunin sina Guinevere at Alduous. Ang dalawa ay anak ng kinakasama niyang si Esmeralda. Nakilala niya ang babae sa mismong probinsiya kung saan siya nakatira nang maghiwalay na sila ni Layla.

Ayon kay Harley, dahil nga wala siyang naging anak kay Layla ay hindi natuloy ang pangarap niya na maging isang ama pero dahil sa presensiya nina Guinevere at Alduous ay magkakatotoo ang kanyang pinapangarap kapag naging legal na niyang anak ang dalawa at naisunod sa kaniyang apelyido. Ayon din sa kanya, limang taon na sa kanyang panga­ngal­a­ga ang mga bata mula nang mamatay si Esmeralda.

Sa loob lang ng dalawang buwan ay pinagbigyan ng RTC ang petisyon ni Harley. Walang naging pagtutol sa kahit sino man pati na ang gobyerno.

Sa kabilang banda, dahil hindi nagbibigay ng sustento sa anak na si Miya samantalang panay naman ang pagbibigay ng regalo sa driver nitong si Franco pati na sa lantarang pagsisinungaling sa korte para lang ampunin sina Guinevere at Albuous, nagsampa ng kasong disbarment si Layla laban kay Harley. Habang nakabinbin ito, namatay si Harley sa edad na 70 anyos.

Ang ginawa ng mag-inang Layla at Miya ay nagsampa sila ng petisyon sa Court of Appeals para mapawalambisa ang pag-ampon kina Guienevere at Alduous. Katwiran nila, limang taon pagkatapos ng pag-ampon lang nila nalaman ang tungkol sa ginawa ni Harley. Peke raw ang ipinasang dokumento ng pagpayag ni Layla sa pag-ampon.

Isa pa, magkakaiba ang mga detalye ng birth certificate nina Guienevere at Alduous tungkol sa edad ni Esmeralda nang manganak at sa pangalan ng tatay ng dalawang bata. Pinalalabas ni Harley na siya ang ama pero sa birth certificate na galing sa NSO ay si Franco ang totoong tatay. Kaya sa sapantaha nina Layla at Miya ay hindi anak sa labas nina Harley at Esmeralda ang dalawang bata kundi mga legal na anak nina Esmeralda at Franco. (Itutuloy)

vuukle comment

ANAK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with