^

PSN Opinyon

Ninakawan na, ginahasa pa (Huling bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

SA paglilitis, tumestigo si Clara para sa prosekusyon. Si­nalaysay niya ang masaklap na sinapit sa kamay ni Matt  na walang awang gumahasa sa kanya. Ang testimonya niya ay pinatunayan din nina Nessy at Jayson na nagpahayag ng kanyang mga nasaksihan sa pangyayari. Tumestigo rin ang medico-legal tungkol sa kanyang naging pagsusuri kay Clara.

Todo tanggi naman si Matt sa ginawa kay Clara at ang palusot ay ginusto rin ni Clara ang nangyari sa kanila dahil dati na silang magkalaguyo. Kinampihan din siya ng asawang si Issa na tumestigo na noong madaling araw na ginahasa si Clara ay nasa tabi niya si Rommel at mahim-bing na natutulog. Pati si Rommel ay nakisawsaw sa gulo at nagsabing totoong magkarelasyon sina Clara at Matt.

Hindi naniwala ang mababang hukuman at hinatulan ng reclusion perpetua si Matt sa ginawa kay Clara. Pareho ang naging hatol ng SC sa kabila ng depensa ni Matt na a) nagkamali ang mababang hukuman sa pagbibigay-importansiya sa testimonya ng mga testigo ng prosekusyon, b) sa paghatol nito na mayroong nangyari sa kanila ni Clara kahit walang testigong nagpatunay sa paratang ni Clara na ginahasa niya ang babae, at c) ang hatol ng korte na walang pasubaling nagkasala at ginawa niya ang krimen.

Ayon sa SC, kapag sinabi ng isang babae na ginahasa siya, gagawin niya ang lahat ng kinakailangan para patunayan na pinagsamantalahan siya. Kaya kahit na walang ibang testigo na magpapatunay sa kanyang sinasabi ay sapat na ito para mapaniwala ang korte at mahatulan ang maysala. Basta, kapani-paniwala, positibong naituro ang akusado at katanggap-tanggap sa korte na totoong ginawa ng akusado ang krimen. Sa kasong ito, ang mga detalyeng kinuwento ni Clara kung paano binaboy ni Matt ang kanyang pagkababae, kailan at saan ito nangyari ay sapat para makumbinsi ang korte na naganap ang krimen. Ang aktuwasyon ni Clara pati ang pagpayag niya para isalaysay sa harap ng hukuman ang mga detalye kung paano nangyari ang insidente ng rape ay sapat para kumbinsihin ang korte na hindi niya inimbento ang nangyari at talagang ginahasa ni Matt ang biktima. Isa pa, mismong ang doctor na sumuri kay Clara ang nagpatunay na may nakuha pa na bakas ng semilya sa katawan ng babae.

Hindi rin ang testimonya ni Clara ang naging tanging basehan sa paghatol kay Matt. Ang mga testimonya ng ibang testigo tulad nina Nessy at Jayson kahit pa sabihin na “circumstantial evidence” lang o base sa haka-haka ay nakadagdag para ituro na si Matt nga ang gumawa ng krimen. Hindi humina ang ebidensiya ng prosekusyon porke lang kadugo ni Clara ang mga testigo. Sa liit ng isla, magkakamag-anak silang lahat. Pati nga ang mga testigo ni Matt ay puro kaanak niya.  

 Hindi naman kapani-paniwala ang sinasabing bawal na relasyon nina Clara at Matt.  Ang kinikilos ni Clara matapos ang krimen ay nagpapahiwatig sa kanyang matinding pagnanais na makahingi ng hustisya. Hinayaan niya na ang korte ang magpasya para maitama ang maling ginawa sa kanya. Idagdag pa na kung talagang dati na silang may relasyon ni Matt, bakit pa nagsampa ng kasong robbery si Clara laban sa kanya. Binasag din ni Matt ang pader ng bahay ni Clara para makapasok  sa loob kaya kontra ito sa pahayag niya na kalaguyo siya ni Clara. Imposible at katawa-tawa ang palusot ni Matt (People vs.  Bondoy, G.R. 79089, May 18, 1993). 

vuukle comment

RAPE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with