‘Normal’ lang lumindol 20 beses araw-araw
“NORMAL” lang na makapagtala ng 20 lindol araw-araw sa Pilipinas. Paliwanag ito ni Science U-Sec. Renato Solidum, hepe ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Nade-detect ng seismographs ang humigit-kumulang na 20 lindol sa loob ng 24 oras. Nakakalat ang mga makinang ito sa kapuluan. (Gan’un karami rin ang nararamdamang pagyanig araw-araw sa California, dala ng San Andreas Fault.)
Ang mga lindol na tinutukoy ni Solidum ay “natural” ang sanhi. Dahil ito sa paggalaw ng tectonic plates, kilo-kilometro ang lalim sa lupa. Ang sinusukat lang ay Magnitude 2.5, ramdam ng makina, ibon o aso, pero hindi ng tao. Magnitude 4.0-pataas ay ramdam ng tao. Pero kung minsan, hindi nararamdaman miski Magnitude 6.0, dahil tulog, niyuyugyog ng umaandar na sasakyan, o gumagalaw ang tao.
Kapag malakas ang lindol, mahigit 100 ang aftershocks. Ehemplo ang Magnitude 6.1 sa Zambales-Pampanga nu’ng Abril 22, M4.5 sa Batangas at M6.5 sa Eastern Visayas nu’ng Abril 23, at M4.5 at M4.7 sa dagat ng Davao nu’ng Abril 24. Halos libo ang natalang lindol at aftershocks nu’ng linggong ‘yon. Nagkataon lang na nagkasunud-sunod ang sa Luzon, Visayas, at Mindanao, hilaga hanggang timog.
Hindi kasama sa bilang ng Phivolcs ang mga yanig na dahil sa tao: sabog ng bomba, bungkal ng mina, ragasa ng humaharurot na trak.
Ang 20 hiwa-hiwalay na lindol araw-araw ay mula sa paggalaw ng faults. Mga bitak ito sa ilalim ng lupa o dagat. Ang iba ay yugyog ng bulkan. Ang Pilipinas ay nasa Pacific Rim of Fire. Binubuo ng mga kapuluan ng Pilipinas, Indonesia, Malaysia, at Papua New Guinea, rehiyon ito ng libu-libong bulkan. Linggu-linggo sa rehiyon ay may sumasabog o nag-aalburotong bulkan. Sa mga pampang normal din ang tsunami ng tubig dagat sanhi ng mga pagyanig sa ilalim.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest