^

PSN Opinyon

Trabaho sa gabi, may epekto sa kalusugan

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

AYON sa pag-aaral, may posibleng masamang epekto sa kalusugan ang pagtatrabaho sa gabi. Kasama rito ang call center agents, entertainers, security guards at iba pa.

Kapag nabaliktad ang ating pagtulog, bababa ang lebel ng melatonin (isang mabuting kemikal) sa ating katawan. Napag-alaman na ang lebel ng melatonin ay nakadepende sa liwanag ng ating kapaligiran. Tumataas ang lebel natin ng melatonin kapag madilim ang lugar at tulog tayo. Bumababa naman ang melatonin kapag may sikat ng araw o maliwanag ang ating paligid.

Ayon sa World Health Organization, ang pagtatrabaho sa gabi ay posibleng magdulot ng mga sakit tulad ng pros­tate cancer, breast cancer, katabaan at sakit sa puso. Para malunasan ang ganitong sitwasyon, mayroon akong mga payo:

1. Habang naka-duty sa gabi, bawasan ang liwanag sa iyong paligid. Babaan ang sinag ng computer. Puwede ring gumamit ng yellow light sa kuwarto imbes na puting fluorescent light na napakaliwanag. Ito’y para huwag gaano bumaba ang melatonin natin sa katawan.

2. Bawiin na lang ang tulog sa araw. Subukang maka­tulog ng 7-8 oras para makabawi sa puyat. Mas maganda kung tuluy-tuloy ang tulog mo kaysa putul-putol.

3. Ayusin ang iyong kuwarto na maging madilim. Lagyan ng madilim na kurtina o takip ang mga bintana. Ang lebel ng melatonin ay tumataas kapag madilim ang lugar.

4. Gumamit ng eye shades (pantakip sa mata) at ear plugs (pantakip sa tainga) para mabawasan ang liwanag at ingay sa paligid.

5. Piliting sumunod sa malinis na pamumuhay at kumain ng masustansiya. Huwag manigarilyo o uminom ng alak. Sa ganitong paraan, malalabanan natin ang mga peligro na dulot ng panggabing trabaho.

6. Bilang panghuling payo: Kung kaya mong mabawasan ang duty sa gabi, makatutulong ito. Kapag night-shift ang duty mo bilang security guard, baka puwede kang lumipat sa morning shift pagkaraan ng isang buwan. Posible rin namang makahanap ka ng ibang trabaho balang araw. Good luck po.

vuukle comment

WILLIE T. ONG

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with