Matutuloy na
MATUTULOY na ang groundbreaking ng Metro Manila Subway project, isa sa mga malalaking proyekto ng administrasyon sa ilalim ng “Build, Build, Build”. Tinatayang P227 bilyon ang proyekto, kung saan magpapahiram ang Japan International Cooperation Agency (JICA) ng P45 bilyon. Ang subway ay magmumula sa NAIA hanggang Quirino Avenue, na may 13 stations. May mga koneksiyon din sa MRT at LRT. Kauna-unahang tren na tatakbo sa ilalim ng lupa.
Matagal nang plano ito, dahil karamihan ng mga malalaking siyudad ay may sistema ng tren na tumatakbo sa ilalim ng lupa. Nahuhuli na nga ang Pilipinas sa larangang ito. Sa Metro Manila, kailangan na kailangan talaga ang subway, dahil sa sama na ng trapik. Kapag matapos ang proyekto, malamang ay maraming hindi na magdadala ng sasakyan. Inaasahan na matatapos sa 2025.
Dahil sa ilalim ng lupa ang trabaho, inaasahan na hindi magiging sagabal sa trapik, tulad ng ilang proyekto sa ibabaw ng lupa. Maliban na lang siguro sa ilang lugar na kailangang ipasok o ilabas ang mga kagamitan. Gagamitin ang mga Tunnel Boring Machines (TBM), na manggagaling din daw sa Japan. Sana nga ay matuloy na. Noong 1973 ay may plano na palang ganito, ayon sa Wikipedia. Kung natuloy ay tapos na sana noong 1988. Sayang at hindi tinuloy noon, para sa anumang dahilan. Binabaha raw kasi ang ilang lugar, kaya ang LRT ang unang isinagawa.
Isipin na lang kung matapos ito ay madali nang bumiyahe mula NAIA patungong Quezon City at pabalik. Kung matapos ito, may ilang pinaplanong bahagi patungong Bulacan at Cavite. Magbabago ang anyo ng Metro Manila. Sana matuloy na rin ang tren mula Metro Manila patungong Clark International Airport, para mapakinabangan ang airport doon at mabawasan ang pasahero sa NAIA.
- Latest