Kadudadudang martial law
ANG martial law ay isa lamang pansamantalang instrumento sa paglutas sa problemang kinapapalooban ng rebelyon o insureksyon. Ngunit kapag ito’y paulit-ulit na pinalawig, kuwestyonable na ang legalidad pati na ang tunay na layunin nito.
Noong Disyembre 2009, nagdeklara ng martial law ang noo’y Presidente Gloria Arroyo kasunod ng malagim na Maguindanao Massacre na ikinamatay ng may 57 katao na karamihan ay mga mamamahayag. Ang layunin lamang nito ay upang isuspinde ang writ of habeas corpus at malayang maaresto ng pamahalaan ang mga taong may kinalaman sa insidente nang hindi makapanghihimasok ang hukuman. Pagkatapos ay inalis din agad ang batas militar.
Nung Presidente pa si Noynoy Aquino, inamin niya na ikinonsidera niyang ideklara ang martial law upang bakahin ang mga teroristang Abu Sayyaf. Pero hindi niya itinuloy ang balak dahil wala raw itong garantiyang makalulutas sa problema kundi baka lumala pa ang situwasyon.
Si Ferdinand Marcos lang ang matagumpay na nakapagdeklara ng mahigit sa dalawang dekadang batas militar pero sapilitan niyang binago ang Saliganbatas at naghari siya bilang diktador sa loob ng mahabang panahon. Nakita ng taumbayan ang mga pang-aabuso ng ganyang uri ng batas militar na hangga ngayo’y ipinoprotesta pa lalu nang mga maging biktima nito.
Ngayon, pinag-aaralan na umano ni Presidente Duterte ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na palawigin pa ng isang taon ang martial law sa Mindanao dahil hindi pa raw natatapos ang problema sa terorismo. Tingin ko, labag iyan sa layunin ng martial law na maging pansamantalang remedyo lang. Tingin ko, ito’y lantarang pagtatangka na buhayin ang diktadurya sa ating bansa. Pero hindi na babayaan pa ng taumbayan na maagaw muli ang demokrasya.
- Latest