^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pagandahin din ang mga monumento ni Bonifacio

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Pagandahin din ang mga monumento ni Bonifacio

KAPANSIN-PANSIN na hindi gaanong pinagaganda ang mga lugar na kinaroroonan ng monu­mento o rebulto ng bayani ng masa na si Andres Bonifacio. Halimbawa na lamang ay ang monumento niya sa Balintawak-Cloverleaf na hindi gaanong nililinis. May mga basura sa paligid. May mga nakasulat sa pader na kagagawan ng mga miyembro ng fraternity at mga batang hamog. Ang mga bakal na bakod ay kinakalawang na at hindi man lang pinturahan.

Noong 2012, ninakaw ang replikang baril ni Bonifacio sa isang plaza na malapit sa Manila City Hall. Ang baril na yari sa tanso ay binaklas ng mga magnanakaw. Wala nang naiulat ukol sa baril mula noon. Hindi na nalaman kung kumilos ang mga awto­ridad para makita ang baril.

Ang ganitong insidente ay hindi mangyayari kung may nagbabantay sa kanyang rebulto. Kung ang ibang rebulto ng mga bayani ay nabibigyan ng tamang atensiyon at naaalagaan, bakit hindi ang kay Bonifacio na tinuturing na bayani ng masang Pilipino.

Ngayong araw na ito ay ipinagdiriwang ang ika-155 kaarawan ni Bonifacio. Ipinanganak siya noong Nob­yembre 30, 1863 sa Tondo, Maynila. Maagang na­ulila kaya siya ang umako sa responsibilidad ng mga nakababatang kapatid. Natutong sumulat at bumasa sa sariling sikap. Nagbasa nang mga libro ukol sa rebolusyon at maging ng nobela ni Dr. Jose Rizal. Itinatag niya ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892 na ang layunin ay mapalaya ang bayan sa pamahalaang Kastila. Sinimulan niya ang rebolusyon noong Agosto 26, 1896. Pinatay siya at kapatid na si Procopio ng mga kapwa Pilipino noong Mayo 10, 1897.

Walang gaanong babasahin o mga libro na nag­lalarawan sa buhay ni Bonifacio. Hindi katulad sa ibang bayani na maraming naisulat. Gaya ni Rizal na ang buhay, mga gawa at mga sinulat ay pinag-aaralan sa kolehiyo. Tatlong units ang subject na iniuukol kay Rizal. Bakit hindi rin pag-aralan at himayin ang buhay ni Bonifacio? Mula sa kanyang pagsilang, pagtatrabaho sa murang gulang, pagtatatag ng rebolusyon, ang umano’y pagiging ma­initin ang ulo at ang pakikipagtagisan ng paninin­digan sa mga kapwa opisyal sa Katipunan at sa grupo naman ni Gen. Emilio Aguinaldo hanggang sa hatulan siya ng kamatayan.

Huwag iitsa-puwera ang bayani ng masa. May hihigit pa ba sa sinimulan niyang rebolusyon na naging mitsa para mapalaya ang Inambayan?

vuukle comment

ANDRES BONIFACIO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with