^

PSN Opinyon

Munting higante

REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. - Pilipino Star Ngayon

HANGGANG ngayon, napag-usapan pa rin si Judge Andres­ Soriano ng RTC Makati. Kanya ang magiting na desisyon na nagkait sa gobyerno ng hiling nitong warrant of arrest para kay Senador Antonio Trillanes.

 Maaring may mga hindi sumang-ayon sa kanyang desisyon. Sa mga nasa propesyon ng abogasya, walang mariing tumutol sa pasya. Mula nang unang ipanukala na may depekto raw ang amnestiyang ginawad sa tanyag na rebelde, marami ang nagtaka sa kung papaano pangangatawanan ng administrasyon ang kanilang teorya. Saksi halos ang buong lipunan sa maayos na pagpatupad ng gobyerno ni Pangulong Benigno Aquino III sa proseso ng amnestiya na siyang sinunod naman ng senador.

 May nakapagsabi tuloy na napakasimple lang ng trabaho ni Judge Soriano – gawin lang kung ano ang nararapat. Ang daling sabihin. Kung alam lang nila na hindi ito kasing daling gawin.

 Bawat desisyon, lalo na iyong may mga aspeto ng pulitika, ay nababalot sa katakut-takot na pressure, hugot, emosyon, etc. na nawawala ang pagkasimple nito. Ang dating itim o puti lamang ay nagiging abo na ang kulay. Kapag inintindi natin ang ganitong katotohanang hinaharap ng ating mga decision maker – gaya ni Judge Soriano sa kaso ni Sen. Trillanes na alam niyang sinusubaybayan ng Malacañang – mauunawaan natin ang kakaibang lakas ng loob na pinagkukunan. At titindi ang ating paghanga.

 Ganoon din ang magiging pag-intindi natin doon sa mga hindi napapangatawanan ang kanilang sinumpaan. Siguradong nadala sila sa mabigat ding mga konside­rasyon kung kaya ganoon na lamang ang kanilang pagkukulang.

 Sa kabila nito, hindi natin maaring gamitin ang pagsubok na ito bilang katwiran ng ating pagsuko. Ang ating mga naninilbihan ay may obligasyon sa taumbayan, sa Saligang Batas, sa Diyos, at higit sa lahat, sa kanilang konsensiya. Si Judge Andres Soriano ay modelo ng kung papaano dapat gampanan ng isang lingkod bayan ang kanyang sinumpaang katungkulan. Ipinagtitibay ng kanyang  halimbawa kung paano ang mistulang munting desisyon ay nagiging higanteng pagkakataon.

vuukle comment

ANTONIO TRILLANES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with