Tug-of-war
“HINDI pa tapos ang laban.” Ito ang pahayag ng administrasyon sa pagkakabasura sa kahilingan nito na mag-issue ng arrest warrant and hold departure order laban kay Sen. Trillanes ang Makati RTC 148.
Pero para sa kampo ng oposisyon, ito ay isang tagumpay, hindi lamang kay Trillanes kundi para sa kalakaran ng batas at demokrasya sa ating bansa.
Matagal ding pinag-isipan ni Judge Andres Soriano ang igagawad na promulgasyon sa hiling ng administrasyon na arestuhin si Trilanes sa kasong kudeta na muling binuhay ni Presidente Duterte kahit isang dekada nang na-dismiss ng Korte. Ayaw niyang magkamali ng desisyon.
Sa tingin ko, ibig niyang mangibabaw ang katarungan pero kasabay nito’y masisiyahan din ang administrasyon sa ipinalabas na desisyon. Kasi, sa kabila ng pagbasura sa hiling na arrest warrant at hold departure order, kinilala naman sa resolusyon ang legal na karapatan ng Pangulo na magpalabas ng direktiba na nagpapawalang-bisa sa amnestiyang ipinagkaloob ng noo’y Presidente Noynoy Aquino kay Trillanes. Sa paningin ng iba, parang “playing safe” ang hukom. Tila namamangka sa dalawang ilog.
Sa kabila nito’y abut-abot ang pasasalamat ni Trillanes kay Judge Soriano na aniya’y nagpakita ng tunay na pagmamalasakit sa demokrasya.
Pero mukhang determinado ang administrasyon na ikalaboso muli ang Senador, kaya kinaringgan natin si Justice Secretary Menardo Guevarra na “hindi pa tapos ang laban.”
Kaya ang usaping ito’y isa pa ring “telenobela” na matamang susubaybayan ng bayan. Sana nga’y mangibabaw ang hustisya at huwag mabaluktot ang batas sa nagaganap na “tug of war” na ito.
- Latest